NANAWAGAN ang isang kongresista sa Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) na magpatupad ng rental rates freeze, partikular sa residential units at iba pang kahalintulad nito.
Ayon kay House Committee on Women and Gender Equality Chairperson at Bagong Henerasyon partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy, base sa isinasaad ng Republic Act 9653 o ang Rent Control Act of 2009, nasa ilalim ng kapangyarihan ng HUDCC ang pagtatakda sa halaga, gayundin kung alin ang magiging sakop ng pagtataas sa renta ng iba’t ibang uri ng paupahang bahay o tirahan.
Aniya, ngayong hindi maitatago ang pagtaas sa inflation rate at halaga ng gastusin ng bawat pamilya, isama pa ang paghina ng piso kontra dolyar at pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin, hindi napapanahon na magkaroon ng pagtaas sa bayarin sa inuupahang bahay.
“I now appeal to the HUDCC to consider the hardships of the Filipino at this time of rising inflation, high fuel prices, and peso depreciation against the US dollar. Most ideal is that the residential rent rates of all kinds of units of the poor and middle class are frozen at current levels because any rent hikes at this time will just inflict more suffering,” anang kongresista.
Batid naman ng lady solon ang paniniwala ng HUDCC na nararapat nang magkaroon ng rental rate hikes kaya panawagan din niya sa naturang ahensiya na ang pagtataas na ito ay hindi sana hihigit sa 2018 annual inflation rate, base sa 2012 prices na tinukoy ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa pagtaya ng government economic experts at officials, ang inflation ngayong taon ay maaaring pumalo sa apat hanggang limang porsiyento.
Kung pagbabatayan ang naunang ‘allowable rent rate hike’ na inaprubahan ng HUDCC, apat na porsiyento ang maaaring itaas sa monthly rent brackets na hanggang P3,999 at 7% naman kung ang renta ay mula P4,000 hanggang P10,000 kada buwan.
Kaya inirerekomenda ni Herrera-Dy na gawing tatlong parte ang rent bracketing ng HUDCC kung saan ang una ay para sa hanggang P4,000 na monthly rental na may 3 porsiyento lamang ang papayagang pagtataas.
Sa ikalawang bracket, ang P4,001 hanggang P10,000 buwanang upa ay nasa apat na porsiyento lamang ang maaaring rate hike at sa pangatlong bracket na higit P10,000 hanggang P20,000 per month rent ay 5 porsiyento naman ang pupuwedeng ipatong sa upa.
“This I believe is fair to most Filipino families who rent apartments and other residential units, but still allows landlords to recover from the cost of inflation,” pagbibigay-diin pa ng lady partylist solon. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.