REOPENING NG BORACAY TULOY NA TULOY NA SA OKTUBRE

BORACAY

WALA nang makapipigil sa muling pagbubukas ng isla ng Boracay sa Aklan sa Oktubre 26.

Ito ang tiniyak ni  Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III sa Senate hearing kaugnay sa nagpapatuloy na rehabilitasyon sa Boracay kahit pa 30 porsiyento pa lamang ng mga establisimiyento ang inaasahang magiging operational.

Aniya, ang naturang bilang lamang ang nakakonekta sa bagong sewer line at may sari­ling sewage treatment plans o STP kaya ang mga ito ang inaasahang magbubukas sa Oktubre.

Gayunman, hindi nakontento si Senate Environment and Natural Resources Committee chairperson Cynthia Villar sa preparasyon ng stakeholders dahil apat na buwan na, aniya, ang nakalilipas simula nang isailalim sa rehabilitasyon ng isla.

Ayon kay Villar, nagtataka siya kung anong mga proseso ang ipinatupad ng mga kinauukulang ahensiya upang matagalan ang mga establisimiyento na  tuma­lima sa mga polisiya ng pamahalaan gaya ng pagkuha ng permit at lisensiya.

Inamin ni Densing sa Senate hearing na 71 pa lamang mula sa 440 hotels at inns na ininspeksiyon ang nakakuha ng permit at lisensiya.

Kinuwestiyon din ni Villar ang DILG sa makupad umano nitong pag-aksiyon gayong Abril pa nagsimula ang rehabilitasyon habang target nilang buksan muli ang isla sa Oktubre 26.

Aniya, hindi malayong maudlot ang muling pagbubukas ng isla kung kaunti ang mga establisimiyento sa nangungunang tourist destination sa bansa.    DWIZ 882

 

Comments are closed.