MAAARING payagan na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga restaurant na ibalik ang dine-in operations sa sandaling makumbinse ang pamahalaan sa ipinatutupad na health at safety protocols para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, ang mga restaurant ay pinapayagang bahagyang buksan ang kanilang take-out at delivery services sa ilalim ng modified enhanced community quarantine, na kasalukuyang umiiral sa Metro Manila, Laguna at ilang bahagi ng Central Luzon.
Ang dine-in ay ipinagbawal magmula nang ipatupad ang lockdown noong kalagitnaan ng Marso.
“Bukas may inspection tayo ng magsa-sample, magde-demo kung papaano ang health protocol sa restaurant para ma-evaluate natin kung maganda na proteksiyon ng workers at customers sa isang restaurant na magda-dine in,” ani Lopez.
Sinabi ni Lopez sa pagdinig ng Senado na malaki ang tsansang maibalik ang dine-in services subalit may limitadong kapasidad upang masiguro na nasusunod ang social distancing.
“’Yung dine-in ang pinag-aaralan natin kung may sapat na safety na po ang ating mga magiging customers doon,” aniya.
Sa Laging Handa virtual press briefing, idinagdag ni Lopez na isasama rin nila sa inspeksiyon ang barbershops at salons bilang paghahanda para sa reopening sa sandaling ibaba ang MECQ areas sa general community quarantine.
“May magde-demo rin na barbershops and salons para kung tayo po ay magiging GCQ na ay ito po ay pinag-aaralan na rin ngayon kung dapat na rin silang buksan,” dagdag pa ng kalihim.
Comments are closed.