REP. BARZAGA, MALI ANG TIMING MO!

Magkape Muna Tayo Ulit

HAY NAKU! Hindi yata maganda ang pa-pogi ni Rep. Elpidio Barzaga, Jr. sa paghahain ng isang resolusyon sa Kongreso na humihingi ng imbestigasyon laban sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvolcs). Para kay Barzaga, may kakula­ngan daw ng pagbibigay impormasyon sa publiko sa mabilis na pag-alboroto ng Bulkang Taal. Dahil daw dito, marami ang nabigla at nagkulang ng preparasyon upang lisanin ang kanilang kabahayan at kunin ang mga mahahalagang bagay sa kanilang mga tahanan.

Marami ang hindi sang-ayon  sa aksiyon na ginawa ni Barzaga. Maaaring pilit nating iniintindi kung saan nanggagaling si Barzaga sa kanyang personal na ‘pag-aalboroto’ laban sa Phivolcs. Si Barzaga kasi ay kasalukuyang kongresista ng ikaapat na distrito ng Cavite na nakararanas din ng perwisyo dulot ng pagbuga ng abo mula sa Taal Volcano. Bukod pa rito, si Barzaga ay  matagal na naging mayor ng siyudad ng Dasmariñas sa Cavite.

Subalit wala yata sa tiyempo ang kanyang pagbabatikos sa Phivolcs. Tama ang sinabi ni Congressman Joey Salceda ng 2nd District ng Albay na unahin muna dapat natin ang pagtulong sa mga kababayan natin na naperwisyo ng pagputok ng Taal Volcano. Hindi natin matatawaran ang karanasan ni Salceda kung ang pag-uusapan ay tungkol sa krisis sa pagputok ng bulkan. Ang pamosong Mayon Volcano ay sinasakop ang bahagi ng lalawigan ng Albay. Ilang beses ding pumutok ang Bulkang Mayon kung saan sa mga panahon na iyon ay nagsilbing gober­nador si Salceda. Alam niya ang hirap na maging biktima ang lugar na sinalanta ng bulkan.

Sang-ayon ako kay Salceda sa payo niya kay Barzaga. Bago natin pag-usapan ang imbestigasyon kung may kapalpakan ang Phivolcs sa biglaang pag-alboroto ng Taal Volcano, unahin at pagtuunan muna natin ang pagtulong sa mga biktima ng pag-ulan ng abo na nakasira ng mga tahanan, hanapbuhay, taniman, buhay at mga alagang hayop. Pagtuunan natin ang mga posib­leng malalang pagsabog ng Bulkang Taal. Pag-aralan ang sistema ng evacuation ng mga natira pang residente sa paligid ng bulkan. Kasama na rito ang pagbibigay ng mga pangangailangan sa mga pagkain, tubig inumin, tulugan, damit, medesina ng daang libong mga kababayan natin na napilitang lumikas sa kanilang tahanan at kinabubuhayan.

Sabi nga ni Salceda, sa mga ganitong panahon, dapat tayo ay nagkakaisa. Tulong muna bago batikos. Hindi imbestigasyon ang pangunahing trabaho ng Kongreso. Bukod pa rito, imbes na magpokus ang Phivolcs sa pag-monitor ng Taal Volcano, bibigyan pa ni Barzaga ng dagdag trabaho ang mga tao ng Phivolcs upang magkalap ng mga ebidensiya na isasagot nila kay Barzaga sa Kongreso! Hindi ba naisip ito ng magaling na mambabatas natin mula sa Dasmariñas, Cavite?

Eh, kung ‘yung mga mamababatas ng lalawigan ng Batangas, kung saan sapul na sapul ng perwisyong idinulot ng Bulkang Taal ay hindi man naisip na mag­hain ng hawig na resolusyon ni Barzaga. Bakit? Dahil mas abala sila sa kapakanan ng mga nabiktima ng pagsabog ng nasabing bulkan. Sino kaya sa staff ni Barzaga ang nagbigay ng ideyang rito? Mali yata ang timing.

Comments are closed.