REP HERRERA: ROTARY DISTRICT 3780 SUSUPORTA PARA SA COVID-19 QUARANTINE FACILITY SA QC

Rep Bernadette Herrera-5

NAKIPAG-UGNAYAN   sa pamahalaang lungsod ng  Quezon ang Rotary International District 3780 at sa ilang pribadong sektor na kinabibilangan nina Rose Cabrera at Deanna Tardio, kapwa kinatawan ng International Inc. at ng St. Theresa’s College Batch of Quezon City 1985 and 1982, kaugnay  sa pagtatayo ng ikalawang temporary quarantine facility para sa persons under investigation (PUIs) at persons under monitoring (PUMs) sa COVID-19.

Ayon kay Bagong Henerasyon Congw. Bernadette Herrera na siya ring gobernador ng Rotary District 3780, napagtibay ang partnership  matapos niyang lagdaan ang isang memorandum of agreement (MOA) kasama nina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Cabrera at Tardio.

“Malaki po ang pasasalamat natin kay Mayor Joy Belmonte at sa iba pang opisyal ng Quezon City sa kanilang pakikiisa sa atin aa ugnayang ito,” ayon sa partylist solon.

Ang naturang quarantine facility na tinawag na Kalinga Kontra Korona QC (Hope KKK QC), ay matatagpuan sa Quezon City University sa Novaliches.

Ang Korean-Philippine Building ng nasabing unibersidad ang  kalalagyan ng 150-bed supplemental health facility, medical supplies and equipment na pangangasiwaan ng health department ng lungsod.

“Ito ang aming paraan upang makatulong sa lungsod sa pagsisikap nitong sugpuin ang lalo pang paglaganap ng COVID-19 dito. Dapat ihiwalay ang mga PUI at PUM sa kani-kanilang komunidad upang matiyak na walang mangyayaring hawahan,” ani Herrera.

“Sa pamamagitan din ng quarantine facility na ito, siguradong mas mapararami  ang hospital beds para sa mga COVID patient  na nasa malalang estado,” dagdag pa ng mambabatas.

Ani Herrera, naging inspirasyon ng KKK ang proyekto ng pamahalaang lungsod ng San Juan na pinagtulungang gawin ng Alumni Association of Xavier School, Inc., sa nasabing lungsod.

Sa naturang proyekto, ginawang 100-bed isolation facility ang bagong gusali ng San Juan City Science High School para sa mga hinihinalang kaso ng COVID-19.

“Kung nagawa nila sa San Juan, magagawa rin natin sa Quezon City. Isa itong magandang halimbawa ng  bayanihan kaya nagpapasalamat tayo kay Cong. Herrera sa kanyang tulong,” ayon kay Cabrera.

Nauna rito, nagtayo ang Quezon City government ng HOPE I, isang alternatibong medical facility na magiging katuwang ng tatlong govenrment hospitals na kinabibilangan ng Quezon City General Hospital, Rosario Maclang Bautista General Hospital at ng Novaliches District Hospital.

Ang HOPE I ay may 49 silid na magmomonitor sa PUIs at COVID-19 patients.

Sa ilalim ng MOA, nagkaisang magtutulungan ang Rotary District 3780 at iba pang miyembro sa pagbuo ng iba’t ibang samahan na susuporta sa mga pangangailangan at operasyon ng Hope KKK QC.

Napagkasunduan din nilang mag-solicit sa mga donor na tutulong sa pagbibigay ng mga kinakailangang materyal tulad ng hospital beds, medical equipment, iba’t ibang suplay at mga gamot.

Tutulong din ang support group sa pagre-recruit ng manpower resources, kabilang na ang pagsisiguro sa suplay ng tubig, pagkain, pasweldo at iba pang mga pangangailangan.

Tumugon naman ang Quezon City government, sa pagsagot sa venue na may kumpletong serbisyo ng elektrisidad, tubig at medical personnel.

Comments are closed.