SA pagsisikap na mapagaan ang epekto sa patuloy na pagtataas ng mga produktong petrolyo, nanawagan si San Jose del Monte City Rep. Florida “Rida” P. Robes sa pamunuan ng Department of Transportation and Railways (DoTR) at Land Transportaion Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na madaliin ang pamamahagi ng inilaang P5 bilyong pondong ayuda sa mga operators at tsuper ng pampublikong sasakyan.
Sa iniakdang Resolution 2515, sinabi ni Rep. Robes na ang pananakop ng Russia sa Ukraine ang naging daan upang pumalo sa mahigit US$110 kada bariles ang presyo sa pandaigdigang pamilihan ng langis na krudo na dahilan upang magtaas ang mga lokal na kompanya ng langis sa bansa ng P3.60 kada litro ng gasolina P5.85 sa krudo, P4.10 sa kerosina at P3 kada kilo ng liquefied petroleum gas (LPG) noong nakaraang linggo.
Sa kabuuan, naglalaro na sa halagang P59 hanggang P62 kada litro ang krudo, P68 hanggang P75 ang gasolina at P1,053 kada 11-kilo ng tangke ng LPG.
Habang isinusulat ang balitang ito, lumobo na sa mahigit $120 kada bariles ang langis na naging dahilan upang tumaas na muli ang presyo ng krudo ng mahigit P13 kada litro at gasolina ng mahigit P7 kada litro sa lokal na pamilihan nito lamang araw ng Martes, (March 15),
Sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act (GAA), maglalaan ng hindi bababa sa P5 bilyong awtomatikong fuel subsidy ang pamahalaan sa oras na pumalo sa US$80 kada bariles ang presyo ng langis.
Sinabi pa niya na ang sobrang pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo ay lalo pang makakadagdag sa bigat na pinapasan ng mga drayber ng pampublikong sasakyan na hindi pa rin nakakabawi sa epekto ng pandemyang dulot ng Covid-19.
“The DoTR and the LTFRB are tasked to issue the fuel subsidies. However, it is taking it some time to release the assistance supposedly due to certain requirements needed from drivers,” sinabi ni Robes sa kanyang resolusyon.
Aniya, ang agresibong pagtaas ng presyo ng langis ay lumikha ng pambihirang sitwasyon sa ating mga tsuper kaya’t kailangan talaga ang agaran at mabilis na pagpapasiya ng mga sangay ng pamahalaan, partikular ang DOTr at LTFRB.
“The DOTr and LTFRB should be mindful of the exigency of the situation and proceed with dispatch the immediate release of the fuel subsidy in order to give reprieve to our public utility drivers who are still reeling from the economic effects of the Covid-19 pandemic,” pahayag pa ni Robes.