INIREKOMENDA ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pag-uusig sa 15 dati at kasalukuyang mga opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Office of the Ombudsman kaugnay sa pagkawala ng mahigit sa P637 milyong kita sa Small Town Lottery noong 2017 at 2018.
Ang mga inakusahan ng graft at gross misconduct ay sina Jorge Corpuz, dating PCSO chair; Alexander Balutan, ex-General Manager ng PCSO; Board of Directors Betty Nantes, Mabel Mamba, Francisco Joaquin, Marlon Balite, Sandra Cam, Jesus Manuel Suntay, Remeliza Gabuyo, Lauro Patiag, Anna Liza Inciong, Merceditas Hinayon, Arnel Casas, Andy Gauran at Edwin Mackay.
Bukod sa kasong graft, si Gabuyo, ang Assistant General Manager ng Branch Operations at head ng STL Monitoring group, ay kinasuhan din ng obstruction of justice at serious dishonesty.
Ang mga kaso laban sa mga akusado ay nag-ugat sa imbestigasyon ng NBI na iniutos ng Department of Justice (DOJ) noong July 2019 kasunod ng mga report sa korupsiyon at findings ng Commission on Audit ( COA).
Napag-alaman na ilan sa NBI findings na nagresulta sa paghahain ng kaso laban sa mga akusado ay ang mga sumusunod:
– Pagpapakilala ng bagong implementing rules sa STL noong 2016 nang walang approval mula kay Presidente Duterte na may direktang kontrol at superbisyon sa PCSO na nagresulta sa pagkawala ng daang milyong kita.
– Ang STL operators ay binigyan ng kalayaan sa pag-iimprenta ng sarili nilang tickets, sa ilalim ng PCSO rules, ang tickets na ipinagkaloob sa mga operator ay fixed at tinukoy ng PCSO
– Tinaasan ng mga akusado ang operating funds ng PCSO sa halip na ideklara ang printing cost bilang savings at dapat na ibalik sa charity fund
– May kabuuang P637, 256, 170.00 para sa 2017 at 2018 ang dapat sanang napunta sa charity fund dahil sa nahintong printing ng STL tickets, subalit sa halip ay ginamit para pondohan ang operasyon, na isang paglabag sa PCSO rules.
Batay sa charge sheet, pinabulaanan ni Gabuyo, na nagrekomenda kay Balutan at sa mga miyembro ng Board ng resolution ng paghinto ng printing ng STL tickets, ang pag-iral ng bagong 2016 STL IRR.
Gayunman, binigyan ng napaslang na PCSO Board Secretary ang mga imbestigador ng kopya ng dokumento na nilagdaan ng mga akusado, kabilang si Gabuyo bilang head ng monitoring group.
Comments are closed.