REP. TEVES JR. ISINAILALIM NA SA HOUSE ARREST

INIHAYAG ng Court of Appeals sa Dili, Timor-Leste na isinailalim na si dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa house arrest sa pagsasabing nananatili pa rin itong “flight risk.”

Sa datos na ibinigay ng Timor-Leste media agency, sinabi ng korte na nahaharap si Teves sa kabi-kabilang murder charges dito sa bansa at dumating sa Timor-Leste sakay ng isang private plane noong Abril 2023.

Sinabi rin ng Korte na nakatira si Teves sa isang nirentahang bahay na may buwanang renta na $10,000 kasama ang kanyang asawa at dalawang anak. Mayroon din itong 20 empleyado, 10 rito ay mga Filipino at 10 ang Timorese.

Dagdag pa, nagtatrabaho si Teves bilang partner ng isang construction firm.

“Given the facts above, it is concluded that the risk of flight persists for the extraditee, especially since he has the financial means to leave Timor-Leste,” ayon sa Korte.

“I order… the arrested individual below named is to be taken to House Arrest at his residence to await further extradition proceedings.”

Nakita rin ng Korte na ‘valid’ ang detention ni Teves kasunod ng detention warrant na inisyu ng husgado.

Si Teves ay nahaharp sa kabi-kabilang kaso ng murder dahil sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pa, noong Marso 4, 2023.

Itinanggi ng mambabatas ang akusasyon.

Bukod dito, sangkot din si Teves at iba pa sa pagkamatay ng tatlong indibidwal sa Negros Oriental noong 2019.

Inilagay na si Teves at 12 iba pa bilang terorista ng Anti-Terrorism Council.
EVELYN GARCIA