REP. TEVES, PINATAWAN NG 60-DAY SUSPENSION

UMABOT sa kabuuang 292 na kongresista ang sumang-ayon sa nilalaman ng House Ethics Committee Report No. 472 na nagpapataw ng 60-days suspension kay Negros Oriental 3rd Dist. Rep. Arnolfo Teves dahil sa patuloy na kabiguan umano nito na magpakita sa Kamara.

Bago ang pagtatapos ng kanilang plenary session kahapon kung saan simula bukas ay nasa kanilang Lenten break na ang Lower House, inilatag ito ni COOP-NATCCO Party-list Rep. Felimon Espares, chairman ng nasabing komite, ang HCR No. 472.

Ayon kay Espares, ang kanilang desisyon na ito ay bunsod na rin sa pagmamatigas ng Visayan lawmaker na bumalik sa bansa at mag-report sa Batasan Complex kahit noon pang Marso 9 nagpaso ang travel authority nito.

Bagama’t pormal na hiniling ni Teves na ma-extend ang kanyang travel authority, nanindigan ang komite ni Espares na mas dapat tumalima ang una sa direktiba ni Speaker Martin Romualdez at maging sa ibinigay nilang dalawang araw na palugit dito na magbalik-bansa na ito.

Nang isalang sa plenaryo ang naturang committee report, wala naman kahit isang mambabatas ang kumontra kung kaya inaasahan na ipatutupad ito ng House leadership sa lalong madaling panahon.

Samantala, sa FB page ni Teves, nagbigay ito ng reaksyon sa pagsuspinde sa kanya dahil sa usapin ng “absenteeism” kung saan binigyan-diin niya na mas marami pang kongresista ang pala-absent kaysa sa kanya subalit hindi naman, aniya, pinapatawan ng anumang kaparusahan. ROMER R. BUTUYAN