BIGLANG naudlot ang pagbabawal sa mga kalsada ng mga e-trike at e-bike.
Dapat sana ay ipatutupad na ito subalit biglang pansamantalang pinatigil.
Gayunman, nang ibaba ang e-trike at e-bike ban ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na suportado ng mga local government units, umani ito ng iba’t ibang opinion mula sa publiko.
Sa panig ng pamahalaan, idiniin na hangad lamang ang kaligtasan sa kalsada habang ang mga gumagamit nito ay nalungkot.
Alam naman ng lahat ang nasabing mga sasakyan ay pagtugon lamang para sa alternatibong gamit ng langis lalo na’t hindi marendahan ang presyo ng produktong petrolyo.
Sagot din kasi ang e-trike at e-bike sa problema ng mga commuter na laging nakikipagpatintero sa mga traditional jeep.
Kadalasang ginagamit din ito sa paghahatid ng mga anak sa eskwelahan at pamamalengke.
Nauunawaan ng publiko na delikado ang pagdaan ng e-bike at e-trike sa major thorougfares na kailangang nasa 60 hanggang 80 kilometer per hour ang takbo, subalit hindi naman dapat ito dahilan para ipagbawal sa lahat ng kalsada lalo na sa loob ng isang subdibisyon.
Masasabi ring tama ang isang buwang palugit bago ipatupad ang e-trike at e-bike ban upang maplantsa nang todo ang panuntunan sa paggamit nito.