AYAW ko na sana pang talakayin ang isyu tungkol sa nangyayaring ‘bill shock’ sa singilan ng konsumo natin ng koryente. Ilang buwan na itong pinag-uusapan. Halos ibinato na ang lahat ng pamamaraan ng paliwanag mula sa Meralco kung bakit mahigit na triple ang babayaran ng kanilang customer nitong buwan.
Inuulit ko. Nagpatong-patong ang ang bayarin dulot ng ECQ. Hindi nakalabas ang nagbabasa ng metro ng koryente sa loob ng mahigit na dalawang buwan. Ginamit ng Meralco at iba pang mga distribution utilities (DU) at electric cooperatives (EC) ang polisiya ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pormula o pagkalkula sa mga ganitong uri ng pangyayari kung saan nagkaroon ng kawalan ng magbabasa ng ating mga metro ng koryente. Ang tawag dito ay Distribution Service and Open Access Rules o DSOAR.
Sa ilalim ng DSOAR, pinapayagan ng ERC ang lahat ng DUs at ECs ng gumawa ng ‘estimasyon’ ng kanilang electric bill ng kanilang mga customer batay sa mga buwan kung saan mababa ang kanilang konsumo. Ito ang ginawa ng Meralco at ng mga iba pang DUs at ECs. Dahil ginamit ang mga buwan kung saan mababa ang konsumo ng koryente bilang ‘estimated reading’, natural na hindi iyon ang tunay o aktuwal na kinonsumong koryente natin. Noong nabasa na ang metro natin, malalaman na ang aktuwal na kinonsumo natin. Dito nag-uugat ang gusot sa isyu ng bill shock.
Dahil nga sa ECQ, mas mataas ang konsumo natin noong buwan ng Marso at Abril. Nasa bahay lamang tayo. Malakas ang gamit natin ng koryente. Sakto pa at pa-umpisa na ang panahon ng tag-init. Kaya naman noong nabasa na ang metro natin noong buwan ng Mayo, lumalabas na mas mataas pala ang aktuwal na konsumo natin noong Marso at Abril. Kaya naman may tingi sa estimated bill natin at ikinarga sa bill natin sa Mayo. Kaya talagang malaki ang babayaran natin dahil tatlong buwan tayo na hindi nagbayad. Ito talaga ang nangyari, hindi lamang sa mga customer ng Meralco, pati na ang lahat ng DUs at ECs na pinagbatayan ng pormula sa ilalim ng DSOAR.
Kahapon, nagpatawag si Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Energy upang dinggin ang isyu ng ‘Electric Power Industry during the ECQ’. Inamim ng ERC na dinaragsa sila ng reklamo ng mga electric consumer sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa sa kanilang mataas ng electric bill. Mahigit na 47,000 na daw ang natanggap na nilang reklamo.
Ayon kay ERC chairperson Agnes Devanadera, kung mayroon po tayong bill shock, mayroon naman silang complainant shock hindi nila na-anticipate ito. Sa madaling salita, hindi lamang Meralco ang may pasan ng problemang ito. Hindi Meralco ang may kasalanan ng mataas na singil sa koryente dulot ng bill shock. Ito ay sa polisiya ng ERC. Ito ay ang DSOAR. Ang DSOAR ang ugat ng lahat nito. Malinaw na lahat ng DUs at ECs ay sumunod lamang sa mga alituntunin ng ERC kung ano ang gagamitin nilang pormula o kalkulasyon kapag ilang buwan na hindi nabasa ang mga metro ng kanilang mga customer.
Sana ay repasuhin at pag-aralan ng mabuti ng ERC ang polisiya nila sa ilalim ng DSOAR. Batay sa sakit ng ulo na ating naranasan dahil sa matagal na hindi nakabayad ng koryente dulot ng ECQ, sana ay pag-aralan nila ito ng ERC para hindi na muling maulit ito. Hindi natin masasabi ang hinaharap. Eh kung lumalala ang kaso ng COVID-19 at mapilitan muli ang pamahalaan na magdeklara muli ng ECQ? Ano ang gagawin ng ERC? Tandaan, ang DUs at ECs ay hindi gumagawa ng sarili nilang polisiya. Ang lahat ng kanilang galaw ay alinsunod sa mga alituntunin ng ERC.
Comments are closed.