REPATRIATION NG OFWs MAPAPADALI NA

SUSAN OPLE

ISANG tanggapan sa bagong likhang Department of Migrant Workers (DMW) ang tatanggap ng mga request para sa repatriation ng overseas Filipino workers (OFWs), ayon kay Secretary Susan ‘Toots’ Ople.

Sinabi ni Ople na nakausap na niya si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hanz Leo Cadac hinggil sa usapin.

“Napag-usapan na namin na isang opisina na lang within the department ang tatanggap ng request for repatriation,” ani Ople.

“Ilalabas namin this week ano ‘yung mga numerong puwedeng tawagan or sa Facebook page kung paano sila maka-get in touch sa One Repatriation Command Center,” dagdag pa niya.

Nauna nang inanunsiyo ni Ople ang pagtatatag ng ORCC na magpapadali sa pagpapauwi sa lahat ng OFWs na kailangang lumikas mula sa ibang bansa.

Sinabi pa ni Ople na magpapatupad ang DMW ng zero-tolerance policy para sa mga illegal recruiter at human trafficker.

“In fact last Friday, may mga lumapit na sa amin na ‘yung anak niya ay biktima ng human trafficking sa Cambodia. So, ‘yun ang mga kaso na tatalakayin ng task force,” dagdag pa ni Ople. LIZA SORIANO