REPOPULATION NG MGA BABOY SA NEGROS OCCIDENTAL IPINATIGIL

IPINAG-UTOS ng lokal na pamahalaan ng Negros Occidental ang pagpapatigil sa repopulation program ng mga alagang baboy ng mga hog raiser matapos maiulat ang patuloy na pagkamatay ng karamihan sa naturang mga hayop sa lalawigan.

Taong 2023 ay nakapagtala sa lalawigan ng Negros Occidental ng mataas na bilang ng pagkamatay ng baboy na umabot sa mahigit 99 porsiyento ng kabuuang populasyon ng mga ito sa lugar.

Sa ngayon ay unti-unti na sana umanong bumabangon ang ilang hog raisers sa pamamagitan ng pag-aalaga ng mga baboy sa tulong ng local government unit. Ngunit ngayon lamang Oktubre, nakapagtala ang LGU ng pagkamatay ng mga alagang baboy kaya inihinto muna ang repopulation ng mga ito. Bagama’t hindi pa nakapagbigay ng datos, napagtanto ng lokal na pamahalaan ang patuloy na pagkalagas ng baboy sa naturang lalawigan.

Hindi na nakapagsagawa ng test ang LGU dahil agad inilibing ng mga hog raiser ang kanilang mga alaga.

Ayon sa Provincial Veterinary Office (PVO) ng Negros Occidental, karamihan sa mga namatay ay nakaranas ng iba’t ibang uri ng karamdaman gaya ng starvation, hypothermia, at pneumonia bunsod ng pabago-bagong panahon.

Dahil walang blood samples na nakuha, hindi nakumpirma kung apektado ng African Swine Fever (ASF) ang mga namatay na baboy. Sa ngayon , inirekomenda ng LGU sa hog raisers na maghanap muna ng alternatibong mapagkakakitaan.

Sa datos ng PVO noong Oktubre 1, 2024, umabot sa 200,000 ang alagang baboy sa lalawigan.

Bagama’t nagpahayag ang mga lokal na hog raisers dito ng agam-agam na maaaring magdulot ito ng kakulangan sa suplay ng karne ng baboy sa lalawigan, lalo na sa parating na holiday season, tiniyak ng LGU na sapat ang magiging suplay nito sa merkado.

Sinimulan ng lokal na pamahalaan ang hog repopulation program upang muling pasiglahin ang hog raising industry sa Negros Occidental noong Hulyo ngayong taon sa pamamagitan ng pamamahagi ng breeder swine sa mga lokal na magsasaka. Sinabayan pa ito ng artificial insemination at community participation.

Pitong grupo ng hog raisers ang nakatanggap ng tig-10 boars at gilts bilang tanda ng pagsisimula ng Provincial Swine Industry Recovery Initiatives at Animal Genetic Improvement and Livelihood Program ng lokal na pamahalaan.

Subalit sa gitna ng naturang programa ay patuloy na nalagas ang populasyon ng mga baboy rito. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia