Isinusulong sa Senado ang reporma sa National Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Sen. Robin Padilla, mas maayos na selda, oras na magpahangin, at paghiwalay ng mga hardcore na “crime lord” sa “general population” ng mga bilanggo.
Ilan ito sa mga repormang kailangang unahin para hindi maulit ang pagtangka ng persons deprived of liberty (PDL) na tumakas o gumawa ng ibang kalokohan.
“Una, diyan kako ang magandang kalulugaran nila. Mayroon silang magandang selda, may oras para magpahangin. At higit sa lahat ‘di sila overpopulated… Kaya po sana, maintindihan ng ating mga mambabatas na katulad ko na kailangan natin ayusin ang prison system natin,” ani Padilla
“Ang dapat pagtuunan ng pansin, huwag isama ang hardcore criminal sa petty criminal. Matagal kong advocacy yan. Hindi ko maintindihan bakit ang drug pusher na yan, mga drug lord na yan, di ko maintindihan bakit sinasama sa NBP, dapat iba ang kanilang kulungan, isolated, walang contact,” dagdag niya. “Dapat may sariling kulungan sa maximum na walang kahalong ibang kaso,” banggit niya
Iginiit ni Padilla na maiinip ang mga bilanggo kung kulang ang tulog nila dahil sobrang siksik sila sa maliit na espasyo.
Aniya, ito ang dahilan ng adbokasiya niyang gawing regionalized ang NBP, para mas madali ang pagdalaw sa kanila ng mga mahal sa buhay.
“Noong ako ay nakakulong diyan, kalahati (ng bilanggo ay) nakatulog, kalahati ang nakaupo. Una ang matatanda at maysakit. Pagbukas ng selda, ang matutulog naman ang hindi natulog. Sa loob ng CR may natulog. Yan ang No. 1 torture diyan. ‘Pag ‘di nakakatulog parang may tawag sa torture na yan, sleep deprivation. ‘Yan ang kailangan maayos ang kanilang kulungan,” pahayag pa niya.
LIZA SORIANO