REPORMA SA BUWIS

ISINUSULONG mismo ni Finance Secretary Benjamin Diokno ang malawakang reporma sa Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR), at maging sa local government units (LGUs) upang mas umunlad ang bansa.

May obserbasyon ang Department of Finance (DOF) na bagama’t mayroon nang iniupong officer-in-charge sa BOC, marami pa rin umanong nakarating na report ukol sa patuloy na aktibidad sa smuggling, gumagalaw pa rin umano ang sangkot sa katiwalian o nasa loob pa rin at hindi makontrol ang sindikato.

Sa BIR, maganda ang ipinamalas ni Commissioner Lilia Catris Guillermo matapos nitong balasahin ang hanay ng mga regional directors, revenue district officers at nagtalaga ng mga officer-in-charge sa mga mahahalagang posisyon sa main office gaya ng deputy commissioners, assistant commissioners, service chiefs hanggang division chiefs.

Tinokahan ni Secretary Diokno ang BOC at BIR na kunin sa anumang paraan ang iniatang sa kanilang tax collection goal bago matapos ang taong 2022.

Bagama’t kumpiyansa ang BOC na makakamit nila ang Customs goal bago matapos ang Disyembre, sinisikap naman ng Kawanihan na makolekta ang P3.312 trilyong goal – mas mataas ng 12.4% kung ikukumpara nooong 2021 na P2.942 trilyon na mas mataas ng 12.4% kung ihahambing sa fiscal year 2020.

Ang repormang gustong isulong ni Secretary Diokno ay inilatag nito sa Senado kamakailan na pinangunahan ni Senator Joseph Victor Ejercito.

Binigyan ng sipi ni Secretary Diokno ang panel sa Senado ukol sa legislative agenda ng DOF na ang layunin ay matiyak ang fiscal sustainability ng LGUs.

Ang reporma ay naglalayong pataasin ang mga kita ng gobyerno nang hindi nagtataas ng buwis. Hangga’t maaari ay tutol si Diokno sa anumang uri ng panibagong tax increases.

Iminungkahi ni Dikno ang pag-amyenda sa 1991 Local Government Code sa pagkolekta sa lokal na pananalapi para matugunan ang mga hamon na dulot ng pandemya at inflation dahil sa pagtaas ng presyo ng langis sa mundo at hindi inaasahang pandaigdigang ekonomiya.

Sa BOC, umaasa si Secretary Diokno na hindi titigil ang Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa pagmamatyag sa galaw ng mga opisyal sa Aduana at mahigpit na minamanmanan kung nagpapatuloy pa rin ang katiwalian gaya ng pamamayani sa mahabang panahon ng sindikato sa smuggling actitivies.

Nakatutok din umano si Presidente Bongbong sa bagong pamunuan ng BIR sa harap ng maraming sumbong ng katiwalian sa kung ito ay tuluyan nang masusupil o magpapatuloy pa rin. Sa katunayan, isang revenue district officer, ang kanyang supervisor at examiner ang ‘under fire’ matapos ibunyag ni former Congressman at DZRH Anchorman Angelo Palmnes sa kanyang programa ang diumano’y maagang ‘pamamasko’ sa mga taxpayers na iniimbestigahan.

Bilang agarang aksiyon, hiningi ni Commissioner Guillermo sa nasabing anchorman ang pangalan ng mga sangkot na revenue officials and employees para malapatan ng kaparusahan. Ang nasabing distrito ay saklaw ng hurisdiksiyon ni South Makati City BIR Regional Director Jethro Sabariaga na siyang inatasan ni Commissioner Guillermo na magpataw ng kaparusahan sa mga sangkot.

Sa pag-upo sa puwesto ni Guillermo sa BIR, agad naramdaman ang pagbagsak ng tax collections ng Kawanihan. Ito ay bunsod ng suspensiyong ipinatupad ni dating BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay na inihudyat niya matapos bumaba sa puwesto.

Naapektuhan dito ang koleksiyon sa Large Taxpayers Service (LTS) na siyang nag-iimbestiga sa 1st 5,000 big-time corporations sa bansa kung saan ang 60% ng kabuuang tax collection goal ng BIR ay ito ang mandatong kumolekta habang ang 40% collections ay mula sa regional at district levels o yaong tinatawag na medium and small taxpayers sa bansa.

Unti-unti ay muling nakausad ang BIR sa pagkolekta ng buwis nang iutos ni Guillermo ang paglilinis sa listahan ng mga tinaguriang prescribing cases.

Nang maupo sa puwesto si Commissioner Guillermo, kapansin-pansin ang tila unti-unti ring tumamlay na isyu ukol sa sinasabing hi-jacking of tax cases’ o yaong mga kasong inaagaw ng National Investigation Division (NID) sa LTS at mga tax cases na inaagaw naman ng LTS sa mga regional at district offices na umano’y mabilisang tinatapos at isa rin sa dahilan ng pagbagsak ng tax collections at sanhi ng korupsiyon sa nakaraang administrasyon.

Isa sa mga dahilan ng muling pagsigla ng tax collections sa BIR ay ang madalas na pakikipagpulong ni Commissioner Guillermo sa mga revenue top-brass at ang pagmamanman sa kilos at aktibidad ng mga traders sa bansa upang matiyak na nagbabayad ng tamang buwis.