IREPORMA na lamang ang National Food Authority (NFA) sa halip na buwagin ito, ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary Manny Piñol.
Ginawa ni Pinol ang pahayag sa gitna na rin ng mga panawagan na buwagin ang ahensiya dahil sa kawalan umano nito ng aksiyon para maresolba ang problema sa bigas sa bansa, partikular ang patuloy na pagtaas ng presyo nito.
Sinabi ni Piñol na mas makabubuti kung magagamit ang potensiyal ng NFA bilang natatanging trading agency sa bansa na kinilala ng World Trade Organization (WTO).
Bukod dito, magagamit din, aniya, ang ahensiya bilang export agency ng iba pang produktong pang-agrikultura ng bansa at maaalis ang imahe nito na nakadikit lamang sa bigas.
Iminungkahi rin ni Piñol na muling isailalim sa DA ang NFA para sa mas maayos na koordinasyon ng dalawang ahensiya.
Comments are closed.