REPORMA SA PAGSUGPO SA KRISIS SA EDUKASYON PATULOY NA ISUSULONG

SA  gitna ng unang taong anibersaryo ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), tiniyak ni Senador Win Gatchalian na magpapatuloy ang pagsulong sa mga repormang susugpo sa krisis sa edukasyon sa bansa.

Nilikha ang EDCOM II sa pamamagitan ng Republic Act No. 11899 upang suriin ang estado ng edukasyon sa buong bansa. Minandato rin sa komisyon na magrekomenda ng mga reporma upang maging globally competitive ang Pilipinas sa education and labor markets. Unang nagtipon noong Enero 23, 2023 ang EDCOM II, na binigyan ng batas ng tatlong taon upang tuparin ang mandato nito.

Inilunsad ng EDCOM II ang ulat na “Miseducation: The Failed System of Philippine Education” kung saan lumabas ang mga unang resulta ng isinagawang mga pag-aaral at konsultasyon ng nakaraang taon. Ilan sa mga rekomendasyon ng naturang ulat ang mas pinasimpleng proseso ng pagbili ng mga textbooks, pagbabawas sa gawain ng mga guro, at ang pagbibigay prayoridad sa mga pinakanangangailangang mga mag-aaral para sa Tertiary Education Subsidy.

Inirekomenda rin ng EDCOM II ang paglikha ng isang coordinating body sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Upang isakatuparan ang rekomendasyong ito, inihain ni Gatchalian ang National Education Council Act (Senate Bill No. 2017) upang gawing institutionalized ang sistema ng koordinasyon, pagpaplano, monitoring, evaluation, at pamunuan sa pagitan ng DepEd, CHED, at TESDA.

“Malaking hamon ang pagtugon sa krisis na bumabalot sa sektor ng edukasyon at kailangan nating tiyakin na hindi mapagkakaitan ng magandang kinabukasan ang ating mga kababayan,” ani Gatchalian, Co-Chairperson ng EDCOM II.

Suportado naman ng EDCOM II ang ilan sa mga panukalang batas ni Gatchalian. Kabilang dito ang ARAL Program Act (Senate Bill No. 1604), ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 2200), at ang Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act (Senate Bill No. 2029).