LEGAZPI CITY – Tututukan ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda sa ikatlo niyang termino sa Kamara ang lalong pagsulong ng kanyang distrito, at ang maseselang pambansang mga usapin gaya ng mga reporma sa pananalapi, rebolusyon sa agrikultura at mahahalagang serbisyo sa mga mamamayan.
Chairman si Salceda ng House Ways and Means Committee ng magtatapos na Kongreso. Wala siyang kalaban sa katatapos na halalan. “Panahon naman para madama ng aking mga kalalawigan ang “bunga ng aking ‘Quantum Leap to the Future platform,’ at ng walang pahinga kong pagsusumikap sa serbisyo publiko,” pahayag niya.
Isang kilalang ekonomista, naging tagapayo si Salceda ng ilang dating pangulo ng bansa. Bago siya pumalaot sa pulitika noong 1998, kilala siya bilang pinakamahusay na ‘eonomic analyst’ sa Asia. Sa magtatapos na Kongreso, inakda niya ang mahahalagang batas pangreporma, kasama ang Amyenda sa Public Service Act, ang ‘Foreign Investments Act,’ at ang ‘Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.’
“Ngayon naman, gagawin nating isa sa pinakamasiglang mga ‘metropolis’ ng bansa ang ‘Capital District’ ng Albay at isusulong natin itong maging ‘Queen City of the Pacific Coast.’ Maraming magagandang pagkakataon ang naghihinty at ang tagumpay natin ay magiging tagumpay na ating lalawigan, ng buong Bikolandia at ng ating bansa,” dagdag niyang pahayag sa proklamasyon ng kanyang panalo nitong Martes.
Ayon kay Salceda, tututukan niya hanggang sa katuparan ang ilang programa, kasama ang 1) pagtatatag ng Philippine Science High School Daraga Campus; 2) pag-angat sa Camalig National High School na maging sentro ng mga ‘special programs in sciences;’ 3) suportang badyet para sa bagong likhang ‘Bicol University College of Dental Medicine,’ at; 4) pagpapasimula sa operasyon ng bagong ‘Bicol Regional Training and Teaching Hospital’ (BRTTH) bilang ‘Bicol Regional Hospital and Medical Center.’
Ang pagbago sa dating BRTTH bilang isa na ngayong ‘general and subspecialty hospital with an 800-bed capacity,’ ay naging daan din para tawaging itong ‘PGH of the South.’ Naganap ito sa ilalim ng RA 11719, na akda ni Salceda na pinagtibay naman ni Pangulong Duterte.
Ang pag-angat sa antas ng BRTTH ay itinuturing na isa sa mga mahahalagang ‘accomplishments’ ni Salceda sa pangalawang termino niya sa Kamara.
Binigyang diin ni Salceda na patuloy niyang isusulong ang mga “national legislative imperatives” kasama ang 1) ‘Fiscal consolidation reforms — consumptive taxes on gambling;’ 2) ang ‘2nd Agricultural Revolution’ na magtatampok ng ‘land consolidation,’ pagpapatawad sa utang ng mga Agrarian Reform Beneficiaries,dobleng badyet sa Agricultura, kasama ang “R&D, crop insurance, enterprise development and farm-to-market-value infrastructures at marami pang iba.
Tungo sa lalong pagpapasulong sa kanyang distrito, isinama rin ni Salceda sa kanyang listahan ang mabisang ugnayan sa DOTr at CAAP para tiyakin ang pasimulang operasyon ng ‘international flights’ sa BIA ngayong taon; pagbukas ng mga ugnayang daan sa paligid ng BIA at sa apat na ‘train quadrant stations’ ng Daraga; at ‘International Road System’ na mag-uugnay sa ‘airport-train nucleus’ sa AH26 at sa mga pantalan at ‘urban centers;’
Kasama rin ang pakikipag-ugnay sa PNR para magamit ang luma nitong riles ng train para sa isang “tramway system” upang maging “tourist attraction” at makatulong sa pagpapagaan ng trapik sa paligid ng mga nabanggit na mga pasilidad.