TULOY-TULOY ang pagpapatupad ng reporma ng Simbahang Katolika.
Ito ang tiniyak kahapon ni San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, bilang tugon sa patutsada ng Pangulong Rodrigo Duterte na kinakailangan ng Simbahan ng reporma dahil na rin sa mga kaso ng pang-aabuso ng mga lingkod ng Simbahan sa iba’t ibang bansa.
Ayon kay Famadico, chairman ng Episcopal Commission on Clergy (ECC) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), regular ang pagpapatupad ng Spiritual at Moral Reform ng Simbahan bago pa man lumabas ang mga kontrobersiyal na kaso ng pang-aabuso ng mga lingkod ng Simbahan.
Layunin nito na makaagapay sa pagbabago ng panahon at maiangkop ang mga turo at paggabay ng Simbahan sa mga pinagda-daanan ng mga mananampalataya sa kasalukuyang panahon.
Gayundin ay upang mapaunlad ang paraan ng pagbabahagi ng Ebanghelyo at hindi lamang upang maisaayos ang institusyon dahil sa iba’t ibang mga kontrobersiyang kinahaharap nito.
“’Yung reform ng Simbahan ay hindi naman kinakailangang magkaroon ng mga ganitong abuses, ang Simbahan ay laging dapat may reform ‘yan ay Spiritually, Morally ang Simbahan ay hindi tumitigil sa pagkakaroon ng reform, actually ‘yung reform hindi naman kinakailangan na magkaroon ng abuse halimbawa ang isang Simbahan ay maganda ang takbo pero kahit ang takbo ng mga history ay may mga bagay na nagbabago kaya kinakailangang mag-adjust din ‘yung Simbahan kaya ‘yung growth of the church is always there, is always required…” paglilinaw ni Famadico sa panayam ng church-run Radyo Veritas.
Tiniyak rin naman ng Obispo na hindi isinasantabi at pinababayaan ng mga Obispo ng bawat diyosesis ang mga reklamo laban sa mga lingkod ng Simbahan na dumadaan sa tamang proseso ng pag-iimbestiga at pagpaparusa kapag napatunayang may nagawang kasalanan.
Unang nagpatawag ng February Summit on Sexual Abuse sa Vatican si Pope Francis upang matalakay ang mga kontrobersiyal na usaping kinahaharap sa kasalukuyan ng Simbahan. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.