HINIKAYAT ng mga eksperto ng OCTA Research Group ang pamahalaan laban sa pag-papaluwag pa ng COVID-19 restrictions sa National Capital Region (NCR).
Ito’y hanggang hindi pa tuluyang bumababa ang reproduction number ng COVID-19 at kahit pa nakikitaan ng pagbagal ang pagkalat nito.
Sa isang webinar na inorganisa ng Cardinal Santos Medical Center, sinabi ni OCTA Research fellow Fr. Nicanor Austria-co na ang reproduction number ng sakit ay dapat munang maging ‘less than 1’ sa loob ng ilang linggo bago tuluyang magpasya ang pamahalaan kung paluluwagin na ang restriksiyon sa Metro Manila.
Nabatid na ang reproduction number o bilang ng mga nahahawahan ng sakit ng isang COVID-19 patient, na nasa 1 o mas mataas pa, ay nangangahulugan na mayroon pa ring sustained transmission ng virus.
Anang OCTA, sa kasalukuyan ang reproduction number ay nasa 0.99 na, ngunit hindi pa anila ito sapat upang alisin na ang umiiral na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR.
“We urge the national government, as one possible benchmark for changing quarantine levels, is not to exit MECQ until at least the R is less than 0.9 in a sustained manner,” ani Austriaco.
“As (OCTA fellow) Professor Guido (David) pointed out, we’re currently somewhat unstable and the reason why it’s unstable is because not all the LGUs (local government units) are decreasing and so you always have the possibility that as some of the LGUs recover there will be an outbreak in one LGU that will spill over to the adjacent LGUs,” aniya pa.
Nabatid na ang average daily cases sa NCR sa nakalipas na pitong araw ay nasa 4,200 na, na mas mababa kumpara sa 5,200 cases noong nakalipas na dalawang linggo.
Gayunman, sinabi ni Autriaco na ang pagbilis ng pag-decongest sa mga pagamutan ay depende sa sustained reproduction number na magagawang imantine sa mga susunod na linggo.
“We are looking for a consistent pattern of decrease throughout all the 17 LGUs for a significant period of time before we know we have successfully passed through the surge,” aniya pa.
Matatandaang mula Marso 29 hanggang Abril 11 ay kinailangang isailalim muli sa enhanced community quarantine (ECQ) ang NCR Plus areas, na binubuo ng Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite, at Rizal dahil sa surge ng COVID-19 cases.
Matapos ito, pinaluwag ang quarantine protocol sa MECQ, na magtatagal hanggang sa Abril 30, maliban na lamang kung magpasya ang pamahalaan na palawigin pa ito.
Nakatakda namanng magpulong ang Metro mayors ngayong Linggo para pagdesisyunan ang magiging rekomendasyon nila sa COVID-19 task force sa posibleng magiging quarantine classification sa NCR sa buwan ng Mayo. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.