REPRODUCTION NUMBER NG COVID-19 SA NCR, BUMABA SA 1.2

BUMABA  pa sa 1.2 na ang COVID-19 reproduction number sa Metro Manila hanggang noong Enero 19, mula sa dating 2.95 noong nakalipas na linggo, ayon sa OCTA Research Group.

Sa kabila nito, nilinaw naman ng grupo na nananatili pa rin ang rehiyon sa “very high risk” classification kaya’t pinayuhan ang mga mamamayan na patuloy na maging maingat at obserbahan ang umiiral na health at safety protocols.

“NCR reproduction number down to 1.20. New cases are tracking below Jan 20 projections. NCR remains at very high risk. Residents are advised to practice caution and observe health protocols,” ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, sa kanyang Twitter account, nitong Linggo.

Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga tao na maaaring maihawa ang sakit ng isang pasyente ng COVID-19. Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon ng pagbagal ng hawahan ng virus.

Samantala, iniulat din ni David na ang one-week growth rate sa rehiyon ay bumaba pa sa -42%, na inilarawan niya bilang “a clear downward trajectory” sa bagong COVID-19 cases.

Bumaba rin aniya ang average daily attack rate (ADAR) sa NCR sa 72, ngunit nasa “very high level” ito.

Sa isa pang tweet, sinabi ni David na ang mga lalawigan sa labas ng NCR ay nasa very high risk, dahil sa mataas na ADAR.

Nabatid na ang Benguet ay nakapagtala ng 703 bagong mga kaso ng sakit at one-week growth rate na 120% habang ang ADAR nito ay nasa 94.26 habang ang Cavite naman ay nakapagtala ng 2,799 new cases na may 1% one-week growth rate at 58.48 ADAR.

Sa Laguna, ang mga bagong kaso ng sakit ay naitala sa 1,649, ang one-week growth rate ay nasa 16% habang ang ADAR ay nasa 58.41 habang ang Batangas ay nakapagtala ng 769 bagong kaso na may 3% one-week growth rate, na may 26.68 ADAR.

Sinabi rin ni David na ang COVID-19 cases sa Cavite at Batangas ay posibleng umaabot na sa peak.

Nakapagtala rin aniya ng negative growth rates ang Rizal at Bulacan ngunit nasa very high risk pa rin.

Nabatid na ang Rizal ay mayroong -28% one-week growth rate ngunit ang ADAR nito ay nasa 43.91 habang Bulacan ay nakapagtala naman ng -38% one-week growth rate na may ADAR na 29.80.

“Very high risk provinces. NCR, Rizal and Bulacan had negative growth rates but are still very high risk.

Cases may be peaking in Cavite and Batangas. Cases are still increasing in the other provinces on the list,” dagdag pa ng OCTA fellow. BENJIE GOMEZ