REPRODUCTION NUMBER NG COVID SA NCR TUMAAS

TUMAAS  ang reproduction number ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR), ayon sa OCTA Research Group.

Naitala ang 0.70 na reproduction number sa Metro Manila mula noong Disyembre 22, mas mataas sa 0.42 noong Disyembre 15.

Ang reproduction number ang bilang ng mga maaring mahawahan ng isang positibo sa sakit.

Ayon sa OCTA, nakita rin ang naturang pagtaas ng reproduction number bago ang holiday season noong nakaraang taon, subalit bumaba sa mismong holidays at saka tumaas ulit pagsapit ng unang linggo ng Enero.

Samantala, sunod-sunod na rin ang pagtaas ng positivity rate, o bilang ng nagpopositibo sa sinusuri sa COVID-19, sa buong bansa.

Mula Disyembre 21 ay muling sumampa sa higit 1 porsiyento ang positivity rate at patuloy itong tumataas.

Gayunman, pasok pa rin ang positivity rate sa benchmark na itinakda ng World Health Organization na 5 porsiyento para masabing kontrolado pa ang sitwasyon sa COVID-19.

Sinasabing ramdam sa mga ospital ang pagdami ng mga kaso dahil pababa pa rin ang paggamit ng mga intensive care unit.

Araw ng Sabado, umakyat sa 2,777,818 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas matapos makapagtala ng 433 bagong kaso.

Sa 2.7 milyong kaso, 9,376 ang active cases o may sakit pa rin, base sa datos ng Department of Health.