INALIS ng Land Transportation Office (LTO) ang karagdagang medical examinations sa mga may driver’s license na may bisang lima at sampung taon.
Kasunod ito ng direktiba ni LTO Chief Jay Art Tugade na amiyendahan ang LTO Memorandum Circular 2021-2285 o ang Supplemental Implementing Rules and Regulations of Republic Act 10930.
Nakasaad sa memorandum na bukod sa regular medical examination bilang requirement sa pagkakaroon ng bago o renewal ng driver’s license, obligado pa ring sumalang sa periodic medical exam (PME) ang nabigyan ng 5-taon at 10-taong validity o bisa ng lisensya ng pagmamaneho na pinababago ni Tugade.
Minabuti ng ahensya na hindi na obligahin pa ang mga driver na sumailalim sa naturang periodic medical examination dahil wala naman itong silbi, batay na rin sa ginawang pag-aaral, mga nakalap na datos at pagkonsulta sa mga eksperto.
Lumabas sa mga datos na ang hindi pagsalang sa periodical medical examination ay hindi naman magiging sanhi ng pagdami ng aksidente sa lansangan.
“There’s no empirical data saying that the periodal medical examination could prevent road crashes,” ayon kay Tugade.
Dahil sa amyendang ito ang magiging bagong kalakaran na ngayon ay isang beses na lang ang mandatory medical examination at ito ay gagawin lang tuwing bago makakuha o makapag-renew ng driver’s license. EVELYN GARCIA