RESBAKUNA SA MGA BOTIKA INILUNSAD

INILUNSAD kahapon ng lokal na pamahalaan ng Marikina City sa tulong ng pambansang pamahalaan at pribadong sektor, ang “Resbakuna sa mga Botika” upang gawing mas madaling makuha ng publiko ang mga bakuna laban sa COVID-19.

Pinangunahan nina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, Trade Secretary Ramon Lopez, Interior Undersecretary Epimaco Densing, at Robinsons Retail Holdings Inc. President at CEO Robina Gokongwei-Pe ang pilot run ng nasabing programa sa Southstar Drug sa Barangay Concepcion Uno.

Ang “Resbakuna sa mga Botika” ay naglalayong palawakin ang mass inoculation drive at tugunan ang kakulangan ng mga bakuna sa gitna ng banta ng mga bagong variant ng COVID-19.

Ayon sa ama ng lungsod, “Ang Resbakuna sa Botika ay additional access point para sa mga gustong magpabakuna, mas convenient dahil kung sila ay bibili ng gamot, kayo ay nasa lugar na ito, makakapagbakuna na sila.Hindi na sila kailangang pumunta sa malayong lugar para magpabakuna. Sa ganitong paraan ay na-de-democratize natin ‘yung access to vaccination.”

Sinabi ng alkalde na pinahintulutan ng unang botika sa Marikina na magbigay ng libreng COVID-19 booster shots na target ang 100 hanggang 200 indibidwal kada araw.

Ipinunto ni Mayor Marcy na kabilang sa kanilang target na mabakunahan ay ang mga manggagawa upang matiyak ang ligtas na pagbubukas ng ekonomiya at mabigyan ng proteksyon ang mga manggagawa laban sa kinatatakutang sakit.

Pinapayagan ang walk-in, ayon sa alkalde, basta may available o magagamit na bakuna, ang mga tatak ng bakuna na inaalok sa nasabing sangay ng botika ay Astrazeneca at Sinovac.

Samantala, si Gokongwei-Pe ay nagpahayag naman ng kanyang pasasalamat sa pamahalaang lungsod habang nangakong susuportahan ang mga pagsisikap ng gobyerno na wakasan ang pandemya.

Ayon naman kay Densing na bukod sa magandang COVID Response sa Marikina ay tinawag pa nito na isa sa pinakamahusay na alkade si Mayor Marcy sa buong bansa hindi lamang sa NCR.
ELMA MORALES