RESIDENTE NG BAGUIO CITY, WAGI NG P20M SA LOTTO SA BISPERAS NG BAGONG TAON!

MEGALOTTO

Magiging masagana ang pagsalubong sa Taong 2021 ng isang lucky bettor matapos na magwagi ng mahigit sa P20 milyong jackpot prize sa MegaLotto 6/45 sa isinagawang lotto draw nitong Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma, matagumpay na nahulaan ng masuwerteng mananaya ang winning combination sa MegaLotto 6/45 na 06-25-15-29-12-33 kaya’t napalunan ang jackpot prize na P20,980,657.40.

Aniya, sa Baguio City nakabili ng lotto ticket ang instant milyonaryong bettor.

Samantala, mayroon namang 43 mananaya ang nakapag-uwi ng tig-P32,000 na second prize matapos na mahulaan ang limang tamang numero.

Ani Garma, upang makuha ang kanyang premyo ay kinakailangan lamang ng lucky bettor na magtungo sa punong tanggapan ng PCSO sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City at magprisinta ng dalawang balidong identification card (ID), gayundin ang kanyang winning ticket.

Muli rin namang inanyayahan ni Garma ang publiko na tangkilikin ang mga PCSO games, partikular na tumaya sa lotto, dahil sa halagang P20 lamang aniya ay may tiyansa ka nang maging milyonaryo at makakatulong ka pa sa mga taong nangangailangan.

Ang MegaLotto 6/45 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkoles at Biyernes. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.