(Residente ng Ilocos Norte, Cagayan pinag-iingat) NDRRMC NAGBABALA SA ROCKET LAUNCH NG CHINA

PINAG-IINGAT ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga residente ng Ilocos Norte at Cagayan dahil sa nakatakdang rocket launch ng China.

Ayon sa NDRRMC, nakatakda ang rocket launch ng naturang bansa simula nitong Biyernes hanggang ngayong Linggo.

Inabisuhan ng konseho ang mga residente, lalo na ang mga mangingisda, na mag-ingat at maging mapagmatyag sa posibleng pag-bagsak ng debris mula sa papakawalan ng China na rocket.

Ayon naman sa Philippine Space Agency (PhilSa), ang mga rocket na papakawalan ng China ay naglalaman ng mga kemikal na nakakalason at nakaka-sama sa kalusugan ng publiko.

Inatasan rin ng NDRRMC ang Philippine Coast Guard (PCG) Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Environment and Natural Resources – National Mapping and Resource Information Authority (DENR-NAMRIA) na gumawa ng akmang hakbang upang maprotektahan ang mga pumapalaot sa karagatan.

Pinapabantayan ng konseho ang kabuuan ng Hilagang Luzon, lalo na ang mga katubigan sinasaklawan nito.

Batay sa naunang abiso, isasagawa ang rocket launch ng China sa Wenchang Spacecraft Launch Site sa Hainan sa pagitan ng alas-7 hanggang alas-11 ng gabi.

Pinaalalahanan naman ng NDRRMC ang mga mangingisda na agad ireport ang anumang mapapansing hindi-pangkaraniwan sa mga karagatang kanilang tinutungo. EVELYN GARCIA