MADALING araw pa lang ay nakaalerto na ang mga residente ng El Gabriel at Mactan Street sa Barangay Baclaran, Parañaque City bunsod ng nakatakdang demolisyon na naisakatuparan kahapon.
Ayon kay Joel Calis, presidente ng El Gabriel at Mactan Street Homeowners Association, tatlong araw lang daw kasi ang ibinigay sa kanila ng lokal na pamahalaan upang lisanin nila ang lugar na tinitirikan ng kanilang mga bahay.
Noong Martes ay nagsagawa ng demolisyon sa kanilang lugar kung saan giniba ang dalawang bahay ngunit napigilan nila ito.
Ipinaliwanag ni Calis na wala man silang natatanggap na notice na galing kay Cenro head Roel Andrade ukol sa pagsasagawa ng demolisyon sa kanilang lugar.
Kasabay nito, nananawagan din si Calis kay Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan sila sa kanilang problema dahil sa pangako nitong “Nobody will be demolished under my watch.”
Nakiisa rin sa mga maaapektuhang residente sa napipintong demolisyon ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) Metro Manila Chapter.
Ayon sa KADAMAY, ginagamit lamang ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang clearing operations upang gawing legal ang pagpapaalis ng mga informal settlers sa lugar.
Wala namang sagot ang pamahalaan ng Parañaque tungkol sa nasabing isyu. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.