UMAPELA si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa mga residente na makipagtulungan at tumulong sa lokal na pamahalaan sa pakikipaglaban sa pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa lungsod.
Ayon kay Calixto-Rubiano, base sa huling datos ng City Health Office (CHO) nakapagtala ang lungsod ng 908 indibiduwal na may kumpirmadong kaso ng COVID-19 habang 42 naman ang mga namatay na sa virus.
Sinabi ni Calixto-Rubiano sa kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 ay nakapagtala rin ang CHO ng 515 na naka-recover na sa sakit samantalang 20 naman ang may kasong suspek at 451 ang may kasong probable.
Ang apela ni Calixto-Rubiano ay bunsod sa panibagong nadagdag na 17 indibiduwal sa lungsod na tinamaan ng COVID-19.
Paliwanag ng mayora na noong Hulyo 1, sa datos ng CHO ay mayroon lamang na 891 indibiduwal ang nakumpirmang may kaso ng COVID-19 at makaraan lamang ang isang araw ay agad na pumalo ang bilang nito sa 908 o may karagdagang 17 indibiduwal.
Nakiusap din si Calixto-Rubiano sa mga residente na huwag na munang lumabas ng bahay kung hindi rin lang importante ang kanilang gagawin sa labas gayundin ang palaging pagsusuot ng facemask kapag nasa labas ng bahay, pagpapatupad ng physical distancing at ang malimit na paghuhugas ng kamay ng may sabon. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.