RESIDENTE SA FUGA ISLAND AARMASAN

FUGA island

CAGAYAN – UPANG matiyak na hindi maitataboy ng umano’y mananakop sa planong gawing Smart City ang isla ng Fuga,  naisip ni Cagayan Gov.  Manuel Mamba na maaa­ring armasan ang mga naninirahan doon.

Binigyan diin ni  Mamba na tanging  lehitimong naninirahan sa Fuga Island ang kaniyang bibigyan ng proteksiyon kung pipiliting paalisin ang mga ito.

Ito ang naging reaksion ni Mamba kasunod ng ulat na plano umano ng Chinese Inventore na gawing “Smart City” ang isla.

Nilinaw pa ni Mamba na hindi siya tutol sa development ng isla, subalit kinakailangan na manatili ang nasa 2,000 residente roon at dapat na maging bahagi ng development sa isla.

Bagaman masasabing mga squatter ang mga residente sa Fuga dahil pag-aari ng korporasyon ang ilang bahagi nito, hindi naman buong isla ay pag-aari na pri­bado.

Sinisikap naman nilang matulungan ang mga ito subalit hindi sila makagalaw dahil sa kontrolado ito ng may-ari.

Sa kabila nito, sinabi niya na may ibinigay na silang resolusyon sa Department of Agrarian Reform upang mai-award sa mga residente ang kanilang mga lupa na matagal na nilang tinitirhan.

Ang nasabing proyekto ay bahagi lamang ng 19 business deals na nilagdaan noong bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa China noong Abril. IRENE GONZALES

Comments are closed.