RESIGNATION NI MORALES TINANGGAP NA NINA DUTERTE AT DUQUE

Ricardo Morales

TINANGGAP na nina Pangulong Rodrigo Duterte at Health Secretary Francisco Duque III ang resignasyong inihain ni Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) president at CEO Ricardo Morales nitong Miyerkoles.

Sa isang press conference sa Calamba, Laguna, kinumpirma ni Duque ang naturang ulat.

Anang kalihim, ang lagay ng kalusugan ni Morales ang dahilan nang pagtanggap nila sa kanyang pagbibitiw sa puwesto.

“Tinanggap po natin at ni Pangulo ang kanyang pagbibitiw sa pwesto dahil po sa kanyang kalusugan. Alam po ng lahat na siya po ay may cancer, ito pong lymphoma,” ayon kay Duque.

Matatandaang una nang nagsumite si Morales ng kanyang resignasyon nitong Miyerkoles sa gitna nang alegasyon ng katiwalian na bumabalot ngayon sa ahensiya, matapos na sabihin ng Pang. Duterte na napapanahon na upang bumaba siya sa posisyon.

Habang wala pa naman siyang makakapalit sa puwesto, magsisilbi muna si PhilHealth executive vice president Arnel De Jesus bilang officer in charge (OIC) ng state health insurer. ANA ROSARIO HERNANDEZ/ EVELYN QUIROZ

Comments are closed.