RESOLBAHIN ANG MAHAL NA PRESYO AT KAKULANGAN NG SUPLAY NG KORYENTE SA LALAWIGAN

magkape muna tayo ulit

Hindi gaano napapansin dito sa Metro Manila, subalit alam ba ninyo na nakaaalarma ang suliranin ng serbisyo at suplay ng kor­yente sa mga ibang lalawigan ng ating bansa?

Bukod sa mataas na singil ng koryente, nandiyan din ang kakulangan sa suplay ng enerhiya at di pagtupad ng mga namamahagi ng koryente na magbigay ng maayos na serbisyo sa mga konsyumer.

Hindi biro ang pagtitiis ng mga kon­syumer sa mga lalawigan na ilang oras lang may koryente, o di kaya ang madalas na brownout, pero ang pinakamalala ay mawalan ng supply ng koryente sa buong maghapon

Kung ang ganitong sitwasyon ay mangyayari dito sa Metro Manila,  malamang marami ng grupo ng konsyumer ang magpo-protesta, kaliwa’t kanang batikos mula sa media, at posibleng ipatawag ng Senado ang mga nagsusuplay ng koryente para sa isang masusing imbestigasyon.

Pero ang nakakalungkot, kahit nakakaalarma na ang kondisyon sa mga karatig na lalawigan, walang maliwanag na solusyon ang nakalatag para tugunan ang problema.

Hindi lingid sa marami na ang suplay ng enerhiya ng bansa ay ipinamamahagi ng mga pribadong distribution utility companies at mga kooperatiba ng koryente sa mga lalawigan. Mas may malalim na bulsa ang mga pribadong kompanya para makapagbigay ng episyenteng serbisyo kumpara sa mga kooperatiba pero hindi ito dapat rason para kaligtaan ng mga kooperatiba ang kanilang sinumpaang mandato.

Ang pagbibigay ng maayos na suplay ng kor­yente sa mga lalawigan pati na pagtulong sa mga kooperatiba ng koryente ay nakaatang sa balikat ng National Electrification Administration (NEA).

Malaki rin ang tulong na ginagawa ng mga pri­badong kompanya na namumuhunan sa pagtatayo ng impraestrukturang pang-enerhiya kasama na ang paglulunsad ng mga bagong teknolohiya.

Pero mahalaga ring isantabi muna ang pagsuong ng mga adhikaing may kulay pulitikal at makinig na lang mabuti sa mga totoong hinaing ng mga residente sa mga lalawigan.

Halimbawa na lang ang kasalukuyang sitwasyon sa Batangas na maraming residente ang nagnanais na makapasok ang Meralco sa kanilang lalawigan. Makapagbibigay kasi ang Meralco ng mas maayos na serbisyo at matutulungan ang kooperatibang elektrisidad kagaya ng BATELEC 1 &2 na ayusin ang pamamahagi ng sapat na suplay ng koryente sa mga Batangueno.

Mukhang hindi yata tama na ilang parte lang ng probinsya ang kasalukuyang nakikinabang sa maayos na serbisyo ng Meralco dahil kasama ang mga lugar nila sa sakop ng prangkisa ng Meralco.  Mayroon pa ring kasing mga munisipalidad sa Batangas na di sakop ng Meralco ang madalas makaranas ng brownout, kasama na ang ilang mga beach resorts na umaasa sa sapat na suplay ng koryente para makapagbigay ng mainam na serbisyo sa kanilang mga bisita at patuloy na pag-unlad ng kanilang negosyo.

Iginagalang ng Me­ralco ang paggawad ng Kongreso ng prangkisa sa mga kooperatiba ng kor­yente sa Batangas, pero sinabi rin nito na handa silang tulungan ang mga kooperatiba para mapaigi ang kanilang serbisyo sa mga Batangueno.

Wala pang ibang distribution utility company sa bansa ang makakapantay sa kakayahang pinansyal at technology expertise ng Meralco na magbigay ng maayos na serbisyong koryente.  Masisigurado ng Meralco sa mga  residente ng mga lalawigan ang magkakaroon sila ng mura at sapat ng suplay ng koryente.

Patuloy ang paghahanap ng Meralco ng kompanyang makakapagsuplay ng koryente sa pamamagitan ng Competitive Selection Process (CSP). Dahil dito, iginawad kamakailan lamang  ng Meralco ang power supply agreement (PSA) sa dalawang gene­ration companies na may pinakamababang offer sa pagsuplay ng koryente.

Ang resulta, maka­kasiguro na patuloy silang makakapagbigay ng tamang dami ng enerhiya sa pinakamababang si­ngil para sa benepisyo ng mga konsyumer.

Kung nakatira ako sa Batangas, or saanmang lalawigan na may mala­king problema sa suplay ng koryente, malamang na hihingi rin ako ng mainam na serbisyo sa kooperatibang elektrisidad, na pareho sa serbisyo ng Meralco.

Sinabi kamakailan lamang ni House Majo­rity Leader Congressman Manix Dalipe na mara­ming probinsya, siyudad at munisipalidad sa labas ng Maynila ang nagtitiis sa kakulangan ng sapat na suplay ng koryente, lalo na sa mga malalayong lugar sa bansa.

Dapat tayong makiisa sa panawagan ni Cong Dalipe na tugunan ng NEA at ng kasaluku­yang administrasyon ang maling pamamalakad ng mga kooperatibang elektrisidad na nagpapahirap sa mga konsyumer dahil sa masamang serbisyong koryente na dahilan kung bakit mabagal ang pag-unlad ng ekonomiya sa mga lalawigan.

Dapat patuloy na isaisip ng mga represen­tante sa Kongreso na ang pamamahagi ng sapat na koryente ay maituturing na serbisyong publiko kasama sa kanilang sinumpaang responsibilidad.

Mandato nilang siguraduhin na dahil ang elektrisidad ay  basic na pangangailangan sa pa­nahon ngayon, dapat lahat ng kabahayan, establisyamento at publikong institusyon ay may epis­yente at sapat na suplay ng kor­yente.