(Resolusyon ihahain) DRUG TEST SA SOLONS

DRUG TESTING

NAKATAKDANG maghain ng resolusyon ang isang ranking official ng Kamara de Representantes na nagsusulong para sumailalim sa drug testing ang lahat ng mga kongresista.

Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs kahapon, inilatag ni Dasmariñas City Rep. Elpidio Barzaga ang mungkahi niyang ito kung saan ‘random drug-testing’ naman ang nais niya para sa mga local government official.

Ayon sa Dasmariñas City lawmaker, na siya ring chairman ng House Committee on Natural Resources, pangunahing dahilan ng hamon niyang ito na magpa-drug test silang lahat na kasapi ng lower house ay upang mapatunayan sa publiko na malinis sila sa anumang pagdududang gumagamit ng ilegal na droga.

Giit pa ni Barzaga, sakaling kumasa sa ‘mandatory drug test’ na ito silang mga kongresista, higit pang mapatataas ang antas ng pagtitiwala ng sambayanang Filipino sa institusyon na kanilang kinabibilangan.

Hinggil naman sa hanay ng elected local government officials, sinabi niya na hihilingin niya sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na magsagawa ng mandatory drug test mula sa posisyon ng pagka-gober­nador hanggang sa nasa barangay level.

Kung mayroon umanong tatanggi na magpa-drug test, inirekomenda ni Barzaga na sibakin sa puwesto ang sinumang lokal na opisyal na ito.

Samantala, nagpaha­yag naman ng pagsuporta si House Minority Leader at 6th Dist. Manila Rep. Benny Abante Jr. sa natu­rang panukala at sinabing maging ang mga senador ay dapat makiisa rito.  ROMER  BUTUYAN

Comments are closed.