INIHAHANDA na ng Department of Justice (DOJ) ang resolusyon sa unang batch ng kaso ng Dengvaxia na isinampa ng Public Attorney’s Office (PAO).
Ito ay kasunod ng utos ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa panel of prosecutors na resolbahin na ang kasong kriminal laban kina dating Health Secretary Janet Garin at iba pang kasalukuyan at dating mga opisyal ng Health Department; Zuellig Pharma at Sanofi Pasteur.
Noong Oktubre ng nakaraang taon pa nang magdesisyon ang panel of prosecutors na submitted for resolution na ang unang batch ng kaso ng Dengvaxia.
Kamakalawa ay pinakakasuhan na ng House Committee on Good Government and Public Accountability sina dating pangulong Noynoy Aquino, dating Budget Sec. Butch Abad at dating Health Sec. Janette Garin kaugnay sa Dengvaxia vaccine controversy.
Sa rekomendasyon ng komite, pinasasampahan ng kaso sina Aquino, Abad at Garin ng paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Kasama rin sa pinakakasuhan ang mga miyembro ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC) Bids and Awards Committee na sangkot sa procurement at implementasyon ng vaccination program.
Lumabas sa imbestigasyon ng joint committee na nagkaroon ng sabwatan ang mga nasabing opisyal para matiyak na mabibili ang malalaking bulto ng Dengvaxia vaccine na ginamit sa mga mag-aaral sa National Capital Region at Region III at IV.
Comments are closed.