RESOLUSYON SA MUP PENSION NGAYONG TAON, TINIYAK NI SPEAKER ROMUALDEZ

TINIYAK  ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa military at uniformed personnel (MUP) na ang kinakailangang P120 bilyon para sa pension fund ng mga sundalo, pulis, at iba pang uniformed personnel ay mareresolba ngayong taon.

Kaugnay nito, inatasan na ni Speaker Romualdez ang mga miyembro ng House Committee on Appropriation at ang Ways and Means Committee na maghanap ng mga pamamaraan upang makalikom ng P120 bilyon ngayong taon para sa MUP pension fund.

Ayon kay Romualdez, nangangailangan ang gobyerno ng P120 bilyon taon-taon o P3.6 trilyon sa susunod na 30-taon para maresolba ang mga problema sa MUP gaya ng backlog at lumalaking bilang ng mga retiree kada taon.

Giit ni Romualdez, ang nasabing pondo ay dapat na self-generating gaya ng sinabi ni Pang. Marcos upang maiwasan ang pagkaubos nito at sa halip ay patuloy na lumago sa loob ng susunod na 30-taon.

“We have to take care of our troops and our uniformed personnel for they keep our nation and people safe every day,” pagbibigay-diin pa ng lider ng Kamara.

Samantala, sinabi naman ni House Appropriations Chairman Elizaldy Co na, “We need to raise P120 bilyon every year for the next 30 years to address the problem sa pension ng mga sundalo at pulis.”

“Base sa computation namin ni Ways and Means Chair Cong. Joey Salceda, P3.6 trillion ang kailangan para matugunan ang kakulangan sa pagbibigay ng pension sa MUP,” dagdag pa ng mambabatas.

Aniya, kukunin ang nasabing pondo sa mga savings ng pamahalaan at pagbabawas sa mga gastusin na hindi naman mahalaga.

“For now we are looking na it’s the GSIS (Government Service Insurance System) who will manage the fund,” ayon pa sa kinatawan din ng Ako Bicol Partylist.

“Rest assured na before the end of 2023, we will find a win-win solution for everyone,” pahabol ni Rep. Co.

Nauna ng pinanukala ng Department of Finance (DOF) na ikaltas sa mga sahod ng uniformed personnel ang pension nila, subalit umalma ang ilang miyembro ng AFP at PNP.

Matagal nang ipinapaalala ng DOF sa mga nagdaang mga pangulo, simula pa noong 2006, hinggil sa problemang ito matapos magsara ang Retirement Savings and Benefit System (RSBS) ng MUP dahil sa korupsyon ngunit hindi naman ito natutugunan.

Piniling harapin na ng Marcos administration ang isyung ito at inatasan ang Kongreso na maghanap na ng pondo sa lalong madaling panahon.