(PAGTATAPOS)
SA KOLUM na ito ay nais kong ituloy ang pagbibigay ng tips tungkol sa pangangalaga ng kalikasan sa tuwing tayo ay magbabakasyon o kaya naman ay pupunta sa mga resort. Isa pa sa maaaring gawin natin ay ang pagpili ng eco-friendly resort na tutuluyan.
May mga lugar na ganito, katulad ng mga guest house na may polisiya tungkol sa zero waste. Isang halimbawa ay ang guest house sa Liwliwa, Zambales (Hideout) na walang basurahan, kaya obligado ang mga bisitang huwag magdala ng ‘disposables’ o kung mayroon man ay dalhin din ang mga basura sa paglabas nila ng resort.
Maaari rin tayong umiwas sa pagbili ng bottled water na talaga namang nakadaragdag sa basurang plastik sa ating kapaligiran. Magdala ng baunan ng tubig o tumbler at punuin itong muli kapag naubos na ang laman sa mga cafe o restaurant – libre ang tubig sa mga lugar na ito. Nakatipid ka na, nakatulong ka pa sa pagbabawas ng basura.
Kung tayo naman ay mamimili ng mga pasalubong para sa ating mga mahal sa buhay, piliin lagi na suportahan ang local industries sa lugar na ating binibisita nang sa gayon ay makatulong din tayo sa hanapbuhay ng mga naninirahan sa mga probinsiyang dinadalaw natin.
Bilang panghuling payo, nais kong anyayahan ang lahat na kung minsan ay bitiwan sandali ang kamera o cellphone at namnamin naman ang ganda ng kapaligiran. Kung minsan kasi ay inuuna natin ang pagse-selfie o pagkuha ng mga litrato ng kapaligiran ngunit nalilimutan nating manahimik sandali at i-enjoy muna ang ating kinaroroonan. Maupo at manahimik, kung nais ay ipikit ang mga mata at makinig, tikman ang sariwang hangin at magpasalamat sa pagkakataong ipinagkakaloob sa atin upang maranasan at mamasdan ang ganda ng ating mundo.
Comments are closed.