RESPONSE TEAM NG DPWH SA STS ‘PEPITO’ HANDA NA

HANDANG-HANDA na ang mga Regional at District Disaster and Incident Management Teams (DIMT)  ng Department of Public Works and Highways (DPWH) bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng Severe Tropical Storm ‘Pepito’ na tatama sa kalupaan ngayong weekend.

Ayon kay Public Works and Highways Secretary Manuel M. Bonoan, nakataas na ang Blue Alert status na nangangahulugang handa na ang lahat ng yunit at kagamitan para sa malawakang disaster response.

Samantala, nananatiling nasa Red Alert status ang mga response team sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Cagayan Valley Region dahil sa patuloy na clearing operations dulot ng epekto ng mga nagdaang bagyong Nika at Ofel.

Sa huling ulat nitong Biyernes, Nobyembre 15 dakong alas-12:00 ng tanghali ay tatlong national roads ang nananatiling hindi madaanan dahil sa landslide at nasirang bahagi ng tulay na dulot ng mga nagdaang sama ng panahon, ang mga ito ay:

  1. Banaue-Hungduan-Benguet Boundary Road sa Tukucan, Tinoc, Ifugao – hindi madaanan dahil sa landslide.
  2. Dugo-San Vicente Road (Mission-Sta. Ana Section), San Jose Bridge, San Jose, Gonzaga, Cagayan – nasira ang bahagi ng tulay.
  3. Cagayan-Apayao Road, Itawes Overflow Bridge, Sta. Barbara, Piat, Cagayan – scoured ang bridge approach.

Aabot sa P464.06 milyon ang kabuuang halaga ng pinsala mula sa bagyong Nika at Ofel kabilang dito ang P143.40 milyon para sa mga nasirang kalsada sa CAR at P320.66 milyon sa mga flood control structures sa Region 3 na kasalukuyang bineberipika sa field.

Samantala, patuloy ang ahensiya sa pagtutok at pagsasagawa ng clearing at restoration efforts upang maibalik ang daloy ng trapiko sa mga apektadong lugar.

RUBEN FUENTES