KARAMIHAN sa mga Pinoy ay nahuhumaling sa social media. Sa katunayan, sa kabila ng naghihingalo at sisinok-sinok nating internet signal, nangunguna ang Filipinas sa madalas na gumagamit ng social media sa buong mundo.
Ayon sa report ng “Digital 2017”, gumugugol ang mga Filipino ng average na 4 hours at 17 minutes kada araw sa social media sites gaya ng Facebook, Twitter ay Snapchat. Kasunod ng Filipinas sa listahan ang Brazil na 3 oras at 43 minutes ang ginugugol at ang Argentina naman na 3 hours at 32 minutes.
Kahit saan ka nga naman pumunta o tumingin, lahat ng makita mo ay may hawak na cellphone at wiling-wili sa katititig sa screen. Ang iba naman, walang kapagurang nagta-type, nakikinig ng musika at ang ilan, nanonood ng video o movie. Hindi rin mawawala ang mga kabataang naglalaro ng games sa kanilang cellphone.
Sa pabilis nang pabilis na teknolohiya, hindi nga naman tayo nagpapahuli. Bukod pa rito, napakarami ring nagagawa ang social media sa atin. Nagagamit natin ito para sa trabaho. Kumbaga, napadadali nito ang pang-araw-araw nating buhay. Dahil din sa social media ay nakakausap natin ang mga mahal natin sa buhay na nasa malayo.
Dahil nahuhumaling ang marami sa atin sa social media, lalong-lalo na ang mga kabataan, ano-ano nga ba ang responsibilidad ng isang magulang sa mga batang mahihilig sa social media? Paano nga ba nila masisigurong magiging ligtas ang kanilang mga anak sa pagkawili nito sa mga platform na naglipana sa online?
Bilang magulang, narito ang ilan sa responsibilidad at mga kailangang gawin kung nahumaling sa social media ang inyong mga anak:
HUWAG PIGILIN NGUNIT GABAYAN SILA
Hindi na nga naman mabilang ang mga kabataang nahihilig sa social media. Hindi rin tamang pigilin natin ang ating mga anak sa gusto nilang gawin.
May iba kasing pinagbabawalan ang kanilang mga anak. Basta sasabihin lang nilang bawal at hindi naman ipinaliliwanag kung bakit.
Sa panahon ngayon, hindi sapat ang pagsasabi lang ng bawal. Kailangang may dahilan o paliwanag kung bakit natin ito ipinagbabawal sa ating mga anak nang maintindihan nila.
Hindi masama ang paggamit ng social media—kabataan man ang nahuhumaling diyan o hindi. Hindi natin sila kailangang pigilan. Kasi kung pipigilan natin sila, mas lalo lang nila iyang gagawin ng palihim o patago. Makabubuti kung gagabayan natin sila sa paggamit ng social media.
ITURO ANG DAPAT PANIWALAAN AT HINDI SA SOCMED
Hindi lahat ng mababasa sa social media ay masasabi nating tama. Bilang magulang, mainam kung ituturo natin sa ating mga anak kung ano ang dapat na paniwalaan o hindi sa iba’t ibang sites na pinupuntahan nila. Paalalahanan natin sila na hindi lahat ng mababasa at mapapanood nila ay tama at mabuti.
HUWAG HIYAIN ANG MGA ANAK
Kung ikaw naman ang magulang na mayroon ding social media, huwag na huwag mong hihiyain ang iyong anak. Well, hindi naman talaga magandang hinihiya natin ang ating anak. Pero may ibang magulang na kapag nag-post ang anak, nagko-comment ng hindi maganda.
Ang ganitong gawain ay magdudulot ng hindi maganda sa iyo at sa iyong anak. Kung wala kang maikomentong maganda, huwag ka na lang mag-comment. Kung sakali namang may gusto kang sabihing hindi maganda o masama sa ipinost ng iyong anak, sabihin sa kanya ng harapan at huwag gamitin ang social media para maipaalam sa kanya ang saloobin mo.
HUWAG I-STALK ANG ANAK SA SOCIAL MEDIA
Hindi rin maganda kung i-stalk mo ang iyong anak sa social media. Bigyan mo siya ng layang gawin ang mga kailangan niyang gawin o iyong mga nakapagpapasaya sa kanya. Pero kung lumalampas na siya o hindi na mabuti ang kanyang ginagawa, saka mo siya kausapin at paalalahanan.
PAG-USAPAN ANG MGA INTERES AT PINUPUNTAHANG SITES
Maraming nakikilala ang mga kabataan sa social media. Ang mga ganitong platform din ang nagiging daan upang magkaroon ng kaibigan ang ating mga anak. Pero alam naman nating hindi lahat ng makikilala at magiging kaibigan ng ating anak ay masasabi nating mabuting tao. Maraming klase ng tao ang nagkalat sa social media. Ang iba, mapagpanggap. Ang ilan, nagkukunwaring mabuti at mabait.
Maraming kabataan ang napapahamak dahil sa mabilis na pagtitiwala nila sa mga nakikilala nila sa social media. Gayunpaman, para hindi sila maglihim at magabayan, mainam ang pag-uusap o pagkausap sa kanila sa mga interes at maging sa mga site na pinupuntahan nila.
Ipakitang interesado ka sa mga interes niya. Iparamdam din sa anak na puwede ka niyang pagkatiwalaan. Na puwede ka niyang matakbuhan. Na maaari ka niyang maging kaibigan. Hindi lang dapat magulang tayo sa ating mga anak, kundi kaibigan din na puwede nilang sabihan ng mga sikreto.
MAGING MAGANDANG HALIMBAWA SA MGA ANAK
Hindi lang naman kabataan ang mahilig sa social media sa panahon ngayon. Walang pinipiling edad ang gumagamit o nahuhumaling dito. At bilang magulang, dapat ay maging magandang halimbawa ka sa iyong anak.
Ginagaya ng mga anak ang ginagawa ng kanilang magulang. Kaya maging maingat sa ipinakikita mo sa iyong anak. Halimbawa, lilimitahan mo ang paggamit niya ng tekonolohiya o social media, dapat ay ipakita mo rin na maging ikaw ay may oras lang din sa paggamit nito. Susunod sila lalo na kung nakikita nilang maging ikaw ay may nakalaan lang ding oras sa paggamit ng teknolohiya o social media.
Maging mabuti o magandang halimbawa tayo sa ating mga anak. (Photos mula sa google) CT SARIGUMBA
Comments are closed.