NAPUPULAAN ang isang personalidad dahil sa mga paratang ng kapwa na walang ebidensiya.
Maaaring isipin na tama ang alegasyon dahil sa mga insidenteng tutugma.
Halimbawa nito, sa pagresolba ng krimen ng pagnanakaw. Nasaksihan ang isang tao na hawak ang bag na nawalan ng laman.
Otomatikong ang may hawak ng bag ang ituturong suspek.
Subalit kung iimbestigahan at tatanunging mabuti, malalaman na napulot lamang ito at binabalak pa lamang na ipagtanong kung kanino ito.
Sa huli, walang kasalanan ang taong pinagsuspetsahan, pero dahil sa alegasyon, nasira na ang kanyang resputasyon.
Dito pumapasok ang kahalagahan ng imbestigasyon at pagtatanong bago manghusga ng kapwa.
Itinuturo sa atin ng halimbawang ito na hindi dapat agad manghusga sa kapwa kundi alamin ang nasa likod ng nasaksihan o nakita.
Ang anumang lumalabas sa ating bibig at mga opinyon, dapat ay maging responsable tayo.
Halimbawa nito ang akusasyon sa dating mga hepe ng Pambansang Pulisya na mayroong payola sa POGO, subalit kahapon ay sinabi ng nag-akusa na isang “raw information” lamang at hindi pa nabeberipika.
Kaya naman nasaktan ang mga dating hepe ng PNP sa akusasyon dahil namantsahan ang halos 40 taon nilang pagsisilbi sa taumbayan at nalagyan ng pagdududa.
Kaya bago magbitiw ng salita, tiyakin na suportado ng ebidensiya at dokumento ang mga sinasabi.