MAY kanya-kanyang pakulo ang mga hotel o restaurant para tangkilikin ang kanilang produkto at serbisyo. Hindi nga naman nagtatapos ang lahat sa pagpapatayo. Marami pang kailangang isipan. Sandamakmak pa ang problemang puwedeng dumating.
Kaya nga’t sa pagpasok sa isang negosyo, kailangang handa ang isang negosyante. Kahit na naitayo mo na ang napili mong negosyo, kailangan pa rin ng dobleng sipag. Higit sa lahat, napakahalaga ang pag-iisip ng iba’t ibang technique o paraan nang madagdagan ang customer. Kung wala nga namang customer, nangangahulugan din ito ng kawalan ng kita. At kapag walang kita, malulugi at maaaring magsara ang isang negosyo.
Maraming mga negosyo na patuloy na nag-iisip ng paraan para lalong makahatak ng customer. Kaya naman, sa may mag negosyo riyan, ilan sa dapat ninyong isaalang-alang para makahikayat ng maraming parokyano ay ang mga sumusunod:
GAMITIN ANG SOCIAL MEDIA
Mahilig sa social media ang mga tao ngayon. Lahat na nga naman ay mapapansin mong hindi na maihiwalay sa kanilang katawan ang gadgets. At dahil diyan, maaari mong gamitin ang social media para makahikayat ng maraming customer. Magandang paraan din ito upang makilala ang iyong produkto at serbisyo.
Ilan sa mga popular site na maaaring gamitin ang Facebook, Twitter at Instagram. At dahil popular ang mga nabanggit na site, marami ang makakikita o makababasa ng iyong ipo-post.
Maging active sa social media at tiyak na madadagdagan ang iyong kliyente o customer.
MAGKAROON NG SPECIAL EVENTS
Para rin makilala ang iyong negosyo o hindi makalimutan, mainam din ang pagkakaroon ng special events o ang pagka-conduct ng iba’t ibang pakulo na makatutulong sa pagdami ng inyong kliyente.
Puwede kayong mag-organisa ng fundraising event o kaya naman, magbigay ng support sa ilang local team o grupo. Sa ganitong paraan ay magiging maganda ang tingin sa inyo ng inyong lugar. At habang pinag-uusapan din ang inyong produkto o serbisyo, kasabay rin niyan ang pagdating ng mga bagong customer.
HAPPY HOUR
Isa rin sa hindi puwedeng mawala ang happy hour. Ito iyong mga panahon o oras na maghahandog kayo ng discount o promo sa inyong customers. Marami ang kinawiwilihan ang discounts at promo kaya maganda itong gawin.
MAGPADALA NG BIRTHDAY EMAILS
Para rin matandaan ng marami ang inyong hotel o restaurant, maganda ring paraan ang pagpapadala sa kanila ng holiday o birthday emails na may kasamang free offer.
May mga restaurant naman at hotel na kinukuha ang email ng isang customer. Kasama rin dito kung minsan ang birthday at pangalan.
Kaya naman, i-check ang inyong listahan at alamin kung sino-sino ang magbi-birthday saka padalhan ng mensahe gamit ang email o social media.
PAKITUNGUHAN NANG MAAYOS AT ALAGAAN ANG CUSTOMER
Ano pa nga ba naman ang makahihigit sa pakikitungo nang maayos at pag-aalaga nang mabuti sa customer.
Kaya isa ito sa kailangang matutuhan ng isang empleyado o staff nang masigurong hindi masusulot o patuloy silang tatangkilikin ng kanilang parokyano.
Kailangan ding magiliw ka sa customer nang hindi mawala ang mga ito bagkus ay madagdagan o dumami pa.
Isa rin ang mga customer sa makatutulong para kumita ka nang malaki. Ito ay sa paraang kung maganda kang makitungo sa customer, maipakakalat nila ito at lalong tatangkilikin ng marami ang iyong negosyo.
Mainam din kung aaralin ang maayos at tamang pakikipag-usap sa mga kliyente o parokyano.
Ilan lamang ang mga paraang ito na maaaring subukan upang maka-atrract pa ng maraming customer ang isang negosyo—restaurant man iyan o hotel. CS SALUD
Comments are closed.