KALIWA’T KANAN, may makikita tayong restaurant. May malalaking restaurant at mayroon din namang maliliit. May ibang matagal nang nakatayo at ang ilan naman ay kauumpisa pa lamang.
Kung mayroon nga namang isang negosyong hindi napapanis o hindi nawawala sa uso, iyan ang negosyong pagkain. Napakahi-lig nga naman nating kumain. At ang mga Pinoy pa naman, masarap kung kumain. Hindi rin puwedeng isang putahe lang, kailangan ay marami. Ang iba, mas gusto ang maraming ulam kahit na kakaunti lang ang kanin.
Isa rin sa ginagawang bonding ng magkakapamilya at magkakaibigan ang pagkain sa mga restaurant. Kapag may mga kainang bago o may ipinagmamalaking putahe, dinudumog natin. Talagang sinasadya nating puntahan kahit na malayo ang lokasyon nito.
Ngunit, sabihin man nating napakaraming mga kainan ngayon na puwedeng pagpilian, hindi pa rin lahat ng restaurant ay masasabing dinarayo o binabalik-balikan ng customer. Sa rami nga naman ng mapagpipilian sa panahon ngayon, suwerte ka kung isa ka sa mapili ng mga parokyano.
Dahil napakaraming mga kainan o restaurant sa panahon ngayon, narito ang ilan sa mga kailangang mong gawin para makahimok ng parokyano o customer:
PAGANDAHIN ANG DESIGN NG MENU
May ilang restaurant na hindi gaanong pinagtutuunan o pinag-uukulan ng pansin ang design o hitsura ng kanilang menu. Basta’t nakalagay roon ang mga produkto o pagkaing ibinebenta nila ay okey na sa kanila. Talo-talo na kumbaga.
Oo nga’t simple lang naman ang menu. Pero ang pagde-design ng menu ay mainam na paraan para matawag mo ang pansin ng mga customer. Kung maganda nga naman ang pinagkakasulatan ng mga oorderin nila, mas maeengganyo silang pumili. Mas mata-takam din silang kumain.
Puwede kang mag-isip ng kakaibang design ng menu na hahalina sa paningin ng iyong mamimili o kliyente.
SIGURADUHING AVAILABLE LAHAT ANG MGA NAKASULAT SA MENU
Gumugugol ng maraming oras ang bawat customer sa pagbabasa sa menu at pag-iisip o pagpili ng gusto nilang kainin. Sa rami rin kasi minsan ng nakasulat sa menu, kayhirap mamili. Parang lahat ay gusto nating tikman. Lahat ng nakasulat doon, gusto nating kainin.
Ang iba nga naman, alam na kaagad ang kakainin kaya’t madali nitong nasasabi ang gusto. Alam na kasi niya kung anong lasa ang hinahanap ng kanyang dila. Pero may ilang customer na tila hindi makapagpasiya. Hindi makapamili kung anong klase ng puta-he ang oorderin.
At ang isa sa masaklap pa, kapag nakapili ka ng pagkain tapos biglang sasabihin sa iyo na hindi available. Kainis lang ang ga-nu’n hindi ba?
Kaya’t para balik-balikan ang inyong restaurant ng customer, siguraduhin namang available ang lahat ng nakasulat sa menu. At kung talagang hindi available at walang stock o sa kung ano pang dahilan, sabihin na kaagad bago pa lang mamili o umorder ang customer nang hindi ito mainis at mawalan ng ganang kumain.
TIYAKING MALINIS ANG KABUUAN NG RESTAURANT
Napakaimportante rin ng pagiging malinis at maayos ng kabuuan ng restaurant. Kaya naman, alagaan din natin ang ating restaurant o ang pinagtatrabahuan kagaya ng ginagawa nating pag-aalaga ng ating tahanan.
Kung maaliwalas sa paningin at malinis ang isang restaurant, marami ang maeengganyong pumasok.
Sa panahon ngayon, napakaimportante ring maayos ang hitsura ng isang restaurant. Kung kakaiba ito at tawag-pansin, tiyak na darayuhin at durumugin kayo ng mamimili. Tiyakin lang din siyempreng masarap ang mga inihahanda ninyong pagkain.
MAG-ISIP NG MGA PAGKAING KAKAIBA AT SA INYO LANG MATITIKMAN
Isa rin sa pantawag-pansin ng mga restaurant ay ang pagkakaroon ng specialty na pagkain. Kailangang may maihahandog kayong pagkain sa inyong customer na sa inyo lamang matitikman.
Mainam din kung every week ay may iba’t ibang putahe kayong ipinakikilala nang hindi magsawa ang inyong mamimili o parokyano.
Maraming paraan kung paano makatatawag ng customer ang inyong negosyo o restaurant. Pero isang paraan diyan ay ang pagpapa-ganda ng restaurant. Dahil kung tawag-pansin ang inyong restaurant, tiyak na lalapitan kayo ng mga customer. CS SALUD
Comments are closed.