RESTAURANT NA SUMABOG TINULUYAN

Sumabog

MAKATI CITY- PANSAMANTALANG ipinasara ng Makati City government ang restaurant na nagkaroon ng pagsabog noong Huwebes ng gabi dahil sa gas leak.

Isinilbi ng Makati police at mga tauhan ng Business Permit Office ng Makati City Hall ang closure order sa Judianchuanba Restaurant na matatagpuan  sa Yakal St., Barangay San Antonio.

Ayon kay Makati City police chief, Colonel Rogelio Simon, ang naturang restaurant ay kanilang sinilbihan ng closure order dahil sa paglabag sa Section 4A.01 ng Revised Makati Revenue Code City Ordinance No. 2004-A-025 na nagtatakda ng guidelines sa mga establisimiyento sa lungsod.

Ayon pa kay Simon natuklasan din ng Makati Business Permit and Licensing Office na walang business permit ang naturang restaurant.

Matatandaan na noong Huwebes ng gabi dakong 10:00 ay nagkaroon ng pagsabog sa naturang restaurant dahil sa gas leak at apat na Chinese nationals ang sugatan.

Ang mga sugatan ay ginagamot na sa Makati Medical Center na nakilalang sina Cao Yue Qzang, 45-anyos, Zhang Liang, Tang Ting, at Yun Long Liu.

Gas leak ang itinuturo ng awtoridad na dahilan ng pagsabog dahil sa natuklasang gas hose na naabo ang dulo. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.