MULING isinalang sa medico legal examination ang labi ng flight attendant na si Christine Dacera upang matukoy kung ano talaga ang naging sanhi ng kamatayan nito bago tuluyang inuwi sa General Santos City para ilibing.
Ito ang inihayag ng isang malapit na kaibigan ng pamilya Dacera kasunod ng pagkumpirmang mananatiling confidential ang resulta ng isinagawang autopsy sa bangkay.
“The family has decided to leave it up to the PNP to do further investigation. Although we have a lot of witnesses that’s coming forward, and alam naman namin right from the very start there were a lot of irregularities and inconsistencies. So we leave it up to the PNP to be able to assess kung ano talaga ang nangyari,” ani Marichi Ramos, kaibigan ng pamilya.
Nabatid na hindi ito (autopsy report) basta-bastang ilalabas tulad ng nangyari sa unang autopsy na tumukoy sa ruptured aortic aneurysm na siyang sanhi ng pagkamatay ng biktima.
“We’re surprised nga na nakalabas yung SOCO Report bago pa kami makakuha ng any documents. Antayin na lang natin. It remains confidential ‘yung second autopsy natin,” pahayag pa ni Ramos sa media.
Kaugnay nito, inihayag din ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na hilaw pa at lubha pang maaga na maglabas ng konklusyon sa kaso kaya babalikan muli ng mga imbestigador ang hotel na pinagtuluyan ni Dacera.
Ayon kay NCRPO Director Maj Gen. Vicente Danao, titingnan nila kung may mga makukuha pang karagdagang ebidensiya tulad ng alak at kung may posibleng ginamit na droga.
“Honestly speaking, kumbaga sa mangga, hilaw pa, i must admit. Nonetheless, that should not be a reason for us na itigil na ‘yong investigation. Ang importante pong makita natin dito, what would be the cause of death. Para makita po natin at maiwasan na maulit ulit ang pangyayaring ito,” ani Danao.
Samantala, inatasan naman ang investigating prosecutor na si Assistant City Prosecutor Joan Bolina-Santillan na pangunahan ang preliminary investigation sa Enero 13 sa ganap na alas-10 ng umaga.
Bunsod nito, lumutang na tila nag-apura ang umano ang mga imbestigador para makapaglabas ng kanilang konklusyon kung saan mismong si PNP Chief Debold Sinas ay nagsabing isang rape slay case ang kaso ni Dacera.
Sa likod ito ng mga sinasabing inconsistencies sa isinagawang imbestigasyon, paghandle sa bangkay, mga butas sa isinagawang medico legal examination, kawalan umano ng sapat na toxicology at forensic findings ng mga eksperto , mga paraan upang madetermina kung may sangkot bang droga sa kaso at kung napatunayan sa katawan o mga ugat ng biktima na “ruptured aorta aneurysm” ang sanhi ng kamatayan nito. VERLIN RUIZ
Comments are closed.