(Resulta ng committee report) ALBAYALDE GUILTY– GORDON

INIHAYAG ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Richard Gordon na guilty sa graft at anti-illegal drugs si dating Philippine National Police Chief Oscar Albayalde.

Ito ang nilalaman ng 49 pahinang draft committee report na inilabas ni Gordon sa resulta ng kanilang imbestigasyon hinggil sa kontro­bersyal na ninja cops issue o mga pulis na nagre-recycle ng ilegal na droga mula sa mga operasyon.

Nakapaloob dito ang p­agrekomenda ng komite na maka­suhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Albayalde at 13 pulis na sangkot sa kontrobersyal na drug raid sa Mexico Pampanga.

Ito ay dahil sa umano’y nangyaring iregularidad sa police anti-drug operation noong 2013 sa Pampanga kung saan nagsilbing provincial director si Albayalde.

Tinukoy rin ni Gordon ang seniority, moral superiority at competence ni Albayalde na kung saan ay hindi umano aabot  ito sa pagiging general kung wala siyang alam sa kontrobersya.

Gayundin, anang senador, maituturing  na graft ang pagtawag ni Albayalde kay noo’y PNP Region 3 Director Aaron Aquino at dating CIDG Deputy Chief Rudy Lacadin kaugnay sa kapalaran ng labintatlong pulis na sangkot sa operasyon dahil tinangka nitong kumbinsihin ang dalawang opisyal.

Dagdag pa ni Gordon, ina­lam din sana umano ng hepe ang sitwasyon ng kanyang mga tauhan habang isinasagawa ang raid pati na ang mga suspek na naaresto at ang address at may-ari ng bahay na sinalakay at dapat humingi ng detalyadong report sa halip na paniwalaan ang ulat ni Police Major Rodney Baloyo IV.

Gayunpaman, iginiit ng senador na nakasalalay pa rin sa Office of the Ombudsman at Department of Justice kung sasampahan ng kaso si Alba­yalde. VICKY CERVALES

Comments are closed.