NILINAW kahapon ng Philippine Drug Enforcement Agency na hindi nila maaring ilantad ang drug test results nang mga kandidatong sumailalim sa kanilang pagsusuri maliban lamang kung mismong ng mga political aspirants ang maglalahad nito sa publiko.
“Sa mga nagtatanong ng drug test results ng mga kandidatong dumulog sa PDEA Laboratory Service for drug testing please be informed that only the requesting party is furnished a copy of their result,” ayon kay PDEA spokesman and Public Information Office chief Derrick Carreon.
“Hindi po puwede i-reveal ng PDEA Laboratory Service ang resulta dahil Confidential po ito and it will violate our procedures under ISO 9001:2015 Quality Management System. Tanging ang mga kandidato/requesting party lamang ang maaring mag labas àng drug test results nila kung gusto po nila,” paglilinaw ni Carreon.
Sa mga kumukuwestyon sa drug test ni presidential candidate Bongbong Marcos na ginawa sa St Lukes, nilinaw din ng PDEA na ito ay valid dahil pinapangasiwaan naman ito ng Department of Health.
“Opo valid naman po yung drug test niya. Base lang po sa photo ng drug test result ni former Senator BBM, accredited naman ng DOH yung St Luke’s Hospital po,” diin ni Carreon.
Nakapaloob sa RA 9165, ang authorized drug testing ay pinangangisawaan ng DOH kaya tama lang din na sa ibang DOH accredited testing facility maaring magpa-drug test.
Nilinaw din ng PDEA, mali ang mga naunang ulat na hindi nila tinanggap ang medical certification na inihain ni Atty Vic Rodriguez, ang tagapagsalita at chief of staff ni BBM.
“Tinanggap po namin as file/reference. When we said na hindi po tayo repository ng records ng drug test from other testing facilities ibig sabihin po ay hindi naman required na mag submit po sa amin. Pero kung magbigay sila tatanggapin po as a matter of file/reference,” paglilinaw pa ng tagapagsalita ng PDEA.
Samantala, pinapurihan naman ni Philippine National Police (PNP) chief General Dionardo Carlos ang inisyatibo ng mga kandidato lalahok sa 2022 national and local elections na boluntaryong sumailalim sa drug test.
Ilan sa mga kandidato naglabas na ng kanilang drug test result sina BBM, Isko Moreno at running mate nito na si Doc Willie Ong at ang mag-tandem na sina Senators Panfilo Lacson at Tito Sotto.
Pawang mga negatibo sa paggamit ng iligal na droga ang naging resulta ng pagsusuri hinggil sa paggamit ng illegal substance.
Ayon kay Carlos, idodokumento nila ang mga resulta ng drug test at mabuting nagsisilbing halimbawa ang mga kandidato.
Pero hindi aniya nito mapipigilan ang PNP na magsagawa ng imbestigasyon sakaling may impormasyon na mag-uugnay sa isang kandidato sa illegal drug trade o ang paggamit ng illegal drugs. VERLIN RUIZ