MULING nagsagawa ng dangerous maneuver ang China Coast Guard kaya tuluyang nang nagkaroon ng sea collision nang tumama sila sa barko ng Philippine Coast Guard nang tangkaing harangin ang isinasagawang routine resupply mission ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa mga tauhan nitong naka-detail sa BRP Sierra Madre sa may Ayungin Shoal .
“Chinese coast guard and other vessels undertook “dangerous maneuvers and blocking”, leading to a collision that resulted in “minor structural damage to the PCG (Philippine Coast Guard) vessel MRV 4407,” ayon sa ipinaskil na mensahe ni Philippine Coast Guard Commodore Jay Tarriela sa kanilang social media platform X, dating Twitter.
Kitang kita sa naka-post na video ng Philippine Coast Guard na nagmamadali at agad na hinagisan ng boya ng mga tauhan nito ang gilid ng kanilang barko upang maiwasan ang matinding impact habang nakatayo lamang sa rail ng kanilang barko ang mga tauhan ng CCG 21555.
Nabatid pa na bukod sa nangyaring banggaan, kinumpirma rin ng AFP na ginamitan din ng water cannon ng Chinese Coast Guard ang Unaizah May 1 na isa sa dalawang civilian supply ship na ginamit kahapon sa Rotation and Reprovisioning (RoRe) mission para sa mga sundalong nakaposte sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, hinihintay pa nila ang ulat kung ano ang pinsalang tinamo ng barko habang nagkaroon naman ng minor na sira ang BRP Sindangan.
Inihayag naman ni Trinidad na sa kabila ng mga isinagawang dangerous maneuvers at blocking ng Chinese Coast Guard vessels at Chinese Maritime Militia sa mga barko ng Pilipinas ay naging matagumpay ang naturang RoRe mission.
Samantala, na-monitor din ng AFP na mayroong 43 China Coast Guard vessels at China Maritime Militia vessels sa West Philippine Sea kung saan apat na China Coast Guard ships ang nasa Bajo de Masinloc, 17 fishing vessels habang sa Ayungin Shoal ay mayroong dalawang CCG, apat na militia vessels at isang Chinese Coast Guard ship at 15 fishing vessels ang nasa Pag-asa Island.
Tiniyak naman ng AFP na magtutuloy-tuloy ang pagsasagawa nila ng RoRe mission sa siyam na detachment units ng pamahalaan kasama na ang BRP Sierra Madre.
Ang insidente ay naganap isang araw natapos na manawagan si Secretary Enrique Manalo ng DFA sa China na tigilan na ang pangha harass sa Pilipinas.
Una ng inihayag ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, “We shall never surrender even a square inch of our territory and our maritime jurisdiction.”
Namataan ang mga barko ng China na lumilikha ng blockade positions sa may Ayungin shoal sa gitna ng isinasagawang rotation and resupply mission ng mga tropa ng Pilipinas na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre sa naturang shoal.
Ibinunyag ni US maritime security analyst Ray powell na nagmomonitor sa resupply mission ng bansa.
Ayon sa ibinahaging impormasyon ni Powell, gumawa ang Chinese maritime militia ng blockade positions sa shoal at lumalabas na handang makipag-compete hindi tulad nitong nakalipas na misyon ng bansa. VERLIN RUIZ