SA panahon ngayon na laganap sa buong mundo ang krisis, marami nang gustong magnegosyo.
Magandang simula raw kasi sa pagpasok ng 2022 ang ganitong oportunidad.
Siyempre, sino ba naman ang ayaw na maging sarili niyang boss?
Kahit kasi may nagaganap na pandemya, marami pa ring bukas na pintuan sa iba’t ibang sektor para sa pakikipag-kalakalan.
Dahan-dahan nang bumabangon ang ekonomiya ng Pilipinas kahit mataas ang Covid-19 cases na naitatala kada araw.
Sa kabila nga nito, marami pa ring oportunidad na naghihintay para sa mga may balak maging negosyante.
Pero para naman daw maging matagumpay, kailangan ang sapat na kaalaman tungkol sa tatahaking negosyo.
Maganda rin daw na tugma ito sa kasalukuyang trends at sa puhunan na iyong ilalagak.
Dahil naman daw sa pamamayagpag ng internet, maraming trabaho o negosyo ang maaaring gawin kahit nasa bahay lamang.
Nariyan at kumakaway ang maraming oportunidad para magkapera gamit lamang ang computer at social media.
Ito naman daw ay depende pa rin sa iyong expertise.
‘Yung iba nga, nagsimula ng kompanya online na nagbibigay ng freelance services sa kanilang clients overseas.
May good news din naman para sa mga dayuhang negosyante.
Paano, mas pinadali na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa foreign businessmen na makapag- invest sa retail sector ng bansa.
Pinirmahan na kasi ng chief executive ang Republic Act (RA) No. 11595 na nag-amyenda sa RA No. 8762 o ang Retail Trade Liberalization Act na may dalawang dekadang taon na ang tanda.
Sa ilalim ng bagong batas, aba’y ang minimum paid-up capital para sa foreign retail investors ay ibinaba sa P25 milyon.
Kung hindi nga ako nagkakamali, ang legal revision na ito ay matagal nang naging panawagan ng mga nasa hanay ng lokal na negosyo.
Natatandaan ko rin na ang batas na ito ay nabanggit din ni Pangulong Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 2021.
Naging dahilan ito upang gawin niya itong priority bill.
Kumpiyansa ang mga tagapagtaguyod ng batas na mapapalakas ng bansa ang foreign direct investments o FDI dahil ito’y magbibigay-daan daw sa mas malawak na local retail sector.
Kung titingnang maigi ang apat na pahinang batas, nakaatang sa balikat ng Department of Trade and Industry (DTI), Securities and Exchange Commission (SEC), at National Economic and Development Authority (NEDA) ang pagrebyung mabuti sa required minimum paid-up capital kada tatlong taon.
Nakasaad din sa liberalization act ang paghimok sa foreign retailers na magkaroon ng stock inventory ng mga produktong gawa sa Pilipinas.
Batid natin na maganda talaga ang layunin ng batas.
Actually, si Sen. Franklin Drilon na kilalang kritiko ni PRRD ang may-akda nito.
Ngunit nilagdaan ito ng Pangulo dahil alam niyang makabubuti ito sa ekonomiya ng bansa.
At siyempre, makatutulong din ito sa labor sector bunsod ng maraming job opportunities na maaaring malikha nito para sa mga Pinoy.