PLANO ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na kausapin ang mga lider ng retailer ng bigas sa buong bansa ngayong linggo kaugnay ng itinakdang price ceiling ng Palasyo ng Malakanyang sa bigas.
Ayon kay Romualdez, ito’y upang pakinggan ang kanilang pangamba na pagkalugi dahil sa rice price ceiling.
“Hindi naman manhid ang gobyerno kaya we want to listen to their concern and we will try to find a solution doon sa pangamba nila na malulugi sila,” ani Romualdez.
Dagdag pa niya, “Alam naman natin na mataas na ang kuha nila sa traders. Pero siyempre, priority natin ang sambayanan na hirap na makabili ng bigas.”
Nabatid na isa sa naiisip ng lider ng Kongreso ay bigyan na lang ng ayuda ang mga retailer na tatamaan ng Executive Order 39 dahil sa pagbaba ng presyo ng bigas.
Aniya, “we have to talk to them to look for a win-win solution na hindi sila madehado dito sa price ceiling”.
Ipinag-utos kasi ni Pangulong Marcos na P41.00 per kilo para sa regular milled rice habang P45.00 naman sa well milled rice sa ilalim ng EO 39.
Pero reklamo ng mga retailer nasa halos P50.00 per kilo na ang kuha nila ng bigas mula sa mga trader.
Pahabol pa ng lider ng Kongreso, “hindi naman kasi pwede ‘di sila sumunod sa utos ng Palasyo kasi bukod sa penalty, the government can file criminal cases sa mga hindi susunod sa price ceiling na ito”.
“Pero definitely the government will help our retailers affected by this EO”, ayon kay Speaker.