RETIRADO AT SENIOR CITIZEN — PAANO KIKITA NG EXTRA SA PANAHON NG DIGITAL

homer nievera

KUMUSTA, ka-negosyo? Sana nasa mabuti kayong kalagayan. Balik-GCQ na naman po tayo dito sa NCR Plus na tinatawag. Ibig sabihin nito, mas luluwag ang pagnenegosyo. Subalit tandaan natin na ang tinatawag na positivity rate natin ay napakataas pa rin kaya ingat lang po tayo. ‘Yun pong mga health protocols po natin ay mas pag-ibayuhin lalo na’t pinag-uusapan ang pagiging airborne ng tipo ng virus na ‘to.

Dito naman sa ating kasalukuyang pitak, tatalakayin natin ang ilang mga bagay o tips kung paano nga ba kikita ang ating mga lolo at lola at mga retiradong kababayan sa panahon ng digital.  Isa munang tunay na kuwento ang aking ilalahad sa inyo ukol dito.

May dati akong tauhan sa isang kompanya na Magnolia kung saan ako nagtrabaho bilang unang pinuno ng media department, mga 30 taon na ang nakalilipas. Nang magkaugnayan kaming muli sa Facebook, napagtanto ko na 63 na ang edad  niya. Halos 10 taon kasi ang tanda niya sa akin. Nakatira na siya ngayon sa bahay ng mga matatanda at nais niyang kumita pa ng extra dahil alam niyang kaya pa niya. Nangako naman akong tutulungan siya. Itago natin siya sa pangalang Helen. Ang karugtong ng aking paglalahad ay ilalagay ko sa pamamagitan ng aking mga tips. O, ano, tara na at matuto!

#1 I-assess ang kaalaman at kakayahan

Sa isang tao na may edad 60 pataas, maaaring ang unang katanungan ay kung nakahabol ka ba kahit paano sa teknolohiya? O tuluyan mong nilayuan ito sa pag-aakalang ‘di mo na ito kakailanganin? Ang magulang ko ay nasa edad 80 hanggang 85  at ang sa misis ko ay mas bata ngunit ‘di nalalayo sa edad. Ngunit ang mga magulang ko ay tila naiwan na ng anahon ng teknolohiya. Sila mismo ang may ayaw sumabay. Pang- Facebook lang sila. Ngunit ang mga online wallets ay talagang ayaw nilang gamitin kahit pa sa mga panahong may lockdown.

Ang mga biyenan ko naman, na matagal  nanirahan sa Hong Kong, ay mas maraming alam sa digital. Ngunit takot pa  rin sila sa mga mobile wallet. Sa kabilang banda naman, ang dating tauhan kong si Helen ay alam ang mga ito ngunit kinalawang na raw siya sa mga tulad ng Word at Excel, at hirap sa laptop. Kaya naman ang payo ko sa inyo, i-assess ninyo muna kung anong kaalaman ang  kasanayan ninyo gaya ng mga nabanggit ko  dahil ilan ito sa mga mahahalagang aspeto ng trabaho man o negosyo sa panahon ng digital.

#2 I-setup mo ang ilang pangunahing bagay

Ang pundasyon ng negosyong digtal o anumang pagkakakitaan sa panahong ito ay may kinalaman sa paggalaw ng pera at ng impormasyon. Una sa lahat, kailangang marunong gumamit ng Google at Facebook. Ang dalawang ito, na magagamit mo sa iyong cellphone (mapa Android man o IoS) ay pangunahng pinanggagalingan ng mga impormasyon mula  sa Internet. Kaakibat ng kaalaman sa dalawang platapormang ito ay ang halaga ng email.  Dahil kung wala kang email, ‘di ka rin naman basta-basta makakagawa ng mga account sa Facebook, ‘di ba? At dahil pag-aari ng Google ang Gmail, na pangunahing libreng email sa mundo, makakabit mo na agad ang Google account mo rito.

Sa pamamagitan ng kaalaman mo sa dalawang  ito ay ang kaalaman sa paggamit ng Microsoft Word at Excel. Kung nasa edad 80 ka na pataas, maiintindihan kung ‘di ka natuto nito. Ngunit kung wala ka pang edad 70, malamang alam mo pa ito. Hanggang dito muna tayo sa larangan ng kaalaman sa digital.

#3 Iayon ang maaaring gawin sa halaga ng nais kitain sa umpisa

Magkano ba ang nais mong kitain sa umpisa? Ang dating tauhan kong si Sony, halos pasok lang sa mga gamot niya ang pensiong nakukuha niya buwan-buwan. Dito nga ako namulat dahil kaming mag-asawa ay halos 10,000 pesos ang halaga ng aming mga gamot, at ‘di pa kami senior at ‘di pa nagpe-pension.

Pinayuhan ko si Helen na mag-freelance writer muna. Magaling kasi siyang magsulat. At dahil may alam naman siya dun sa mga nabanggit kong basikong kaalaman, mas madali niya itong maitatawid. Ibig sabihin, ang halagang kailangan niya na dagdag sa penson niya ay kayang makuha sa pagiging manunulat online.  Ang kailangan lang niya ay dagdag kaalaman  kung saang website pupunta, paano makikipagtawaran at kung ano-ano pa. Kaunting kaalalaman pa ukol sa  pakikipag-ugnayan online ang kalingan pa niyang matutunan. Ikaw, ano ang pangangailangan mong halaga at ano’ng kaalamang kakailanganin para rito?

#4 Alamin ang mga kagamitang kakalanganin mo

Ang unang katanugan ko kay Helen ay kung may laptop ba siya. Wala raw. Kaya ayun, naghagilap ako ng lumang laptop at pinaayos na parang bago at aking ibinigay sa kanya. Kasunod agad noon ay ang pagbigay ng naaayon na data plan ng mobile phone niya.  Dahil nga nasa medyo probinsya ang lugar niya, at Smart lang ang SIM niya, binigyan ko siya ng Globe na may karampatang load na pang-data upang siguradong may koneksiyon  siyang makukuha.

Tiningnan ko naman ang mobile phone ni Helen at maayos naman para sa pangangailangan niya. Ang ginawa ko na lang ay nilagyan ko na rin ng Facebook at Gmail ang laptop nya, na naka-sync sa phone niya. Para anuman ang gamitin niya, makaka-access siya sa trabahong gagawin niya. Kung may laptop ka at mobile phone na kayang kumabit sa internet at makapag-email, browse at Facebook, ok na. Tandaan mo na kung balak mong gumawa ng online shop, ito lang din ang mga basikong kakailanganin mo.

#5 Gumugol ng oras sa pag-aaral

Ang pag-uusap namin ni Helen ay may dagdag na pagbibilin ko. Sabi ko sa kanya, bago siya magsimula, mag-OJT muna siya sa akin. Mayroon kasi akong mga proyektong nangangailangan ng manunulat at nais ko siyang bigyan ng ilang gagawin upang magsanay. Inalok ko rin si Helen ng isang kursong gagawin online. Ang halaga ng mga ito ay may kaugnayan sa tinatawag na lifelong learning kung saan habang may buhay ay dapat ‘di  tumitigil sa pag-aaral.  Para na rin tayong bumalik sa unang yugto ng pitak na ito na istorya ng mga magulang ko na ayaw nang mag-aral ng teknolohiya.

Kung nasa sitwasyon ka na nais mong kumita ng extra, makipag-ugnayan ka rin sa Senior Citizens department ng LGU o barangay ninyo. Baka mayroon silang kaugnay na programang digital para sa inyo.

Konklusyon

Ang pagtuon mo ng mas maigting na pansin sa makabagong panahon ng digital ay malaking kahalagahan sa kinabukasan mo.  Kung iniisip mo na ikaw ay isang senior at retirado ay wala ka nang pag-asang kumita pa, nagkakamali ka. Isa ako sa mga ilang tao na nagpursigeng mag-aral nang mag-aral dahil alam kong walang retirement sa panahong ito.

Tandaan na ang pagnenegosyo man o freelance ay nangangailangan ng sipag, tiyaga at dasal. Huwag kang mawawalan ng loob kung makararanas ng pagsubok. Tuloy lang!

vvv

Si Homer Nievera ay isang techpreneur at makokontak sa [email protected].

32 thoughts on “RETIRADO AT SENIOR CITIZEN — PAANO KIKITA NG EXTRA SA PANAHON NG DIGITAL”

Comments are closed.