RETIRADONG OFW NINAKAWAN NG KAANAK, P5-M TINANGAY

MAGNANAKAW-3

LAGUNA – REHAS na bakal ang hinihimas ngayon ng 24-anyos na lalaki matapos pagnakawan ng malaking halaga, mga alahas at dolyar ang kanyang lola na German citizen sa bayan ng Alaminos.

Sa follow-up operation ni Alaminos chief of police, Capt. Serafin Gapunuan at kanyang mga tauhan, agarang naaresto ng mga ito ang suspek na nakilalang si Nomer Grit, na may live-in-partner, tricycle driver, pansamantalang nani­nirahan sa lugar bilang caretaker.

Samantala, itinago naman sa alyas “Len” ang biktima, 70-anyos, retiradong nurse sa bansang Germany at residente ng Brgy. San Benito ng bayang ito.

Sa imbestigasyon, lumilitaw na nagkasa ng follow-up operation si Gapunuan at kanyang mga tauhan matapos magtungo sa kanilang himpilan ang biktima dakong alas-8:00 kama­kalawa ng umaga kung saan sinabi nitong pinagnakawan aniya siya ng kanyang apo na si Grit at tinangay ang malaking halaga ng mga alahas, dolyar at Euro money habang wala ito sa kanyang tirahan.

Sinasabing doon mismo sa bahay ng kanyang live-in-partner sa Brgy. Suplang, Tanauan, City, Batangas, hindi na nagawa pang makapalag ng sus-pek kasunod ang isinagawang pag-aresto ng mga ito.

Narekober ng pulisya sa suspek ang mga ninakaw nitong mga alahas at dolyar na umaabot sa halagang P5.797 milyon.

Ayon sa suspek, nagawa lamang aniya nito ang pagnanakaw dahil may sakit umano ang kanyang asawa, kumukupit lamang aniya ito dati ng paisa-isang libo kapag nakapapasok sa kuwarto ng biktima.

Lingid din aniya sa suspek na malaking halaga pala ang tinangay nitong alahas at mga dolyar kung saan nahaharap ito sa paglabag sa kasong qualified theft.            DICK GARAY

Comments are closed.