ISANG retiradong opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang kumpirmadong namatay at 25 naman ang sugatan sa naganap na 6.6 magnitude na lindol sa Cataingan, Masbate kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), kinilala ang namatay na si retired Police Col. Gilbert Sauro, residente ng Sitio Alimango, Barangay Concepcion sa bayan ng Cataingan na sinasabing nabagsakan ng gumuhong parte ng kanyang bahay.
Ang 25 na mga sugatan ay naitala sa bayan ng Palanas, Pio V. Corpus at Uson sa Masbate kabilang ng isang Ronalyn Condrillon ng Barangay Poblacion sa naturang bayan.
Nawasak din ng lindol ang istraktura ng Public Attorney Office, Old at New Cataingan Public Market, Cataingan Municipal Police Station, concrete road at docking area ng Cataingan Port.
Batay sa report, dakong alas-8:30 kahapon ng umaga nang maganap ang isang malakas na lindol na tumama sa Cataingan, Masbate.
Sa impormasyon na ibinigay ni PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo, wala namang naiulat na maritime incident sa naganap na lindol maliban sa mga nagkabitak-bitak na kalsada sa pantalan.
Dahil dito, pansamantalang itinigil ang biyahe ng mga sasakyang pandagat habang isinasagawa ang assessment ng mga safety inspector sa pier.
Maging ang coast guard station ng Cataingan ay napinsala rin at ligtas naman lahat ng mga personnel.
Kasabay nito, agad na nag-deploy ng dalawang team ang Philippine Red Cross (PRC) Masbate upang umalalay sa mga biktima ng lindol at nagsasagawa na rin ang lokal na pulisya at mga kawani ng munisipyo ng search and retrieval operations.
Base sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology ( PHILVOCS) earthquake information number 2, ang pagyanig na tumama sa 7 kilometers southeast ng Cataingan, Masbate ay naramdaman din sa maraming lugar sa Bicol Region, Visayas at maging sa Southern Luzon.
Naitala sa mga lugar na ng pagyanig ang Intensity V – Masbate City, Masbate; Intensity IV – Palo, Leyte; City of Iloilo; City of Roxas, Capiz; Naval, Biliran; Intensity III – City of Bago, Negros Occidental; Malinao, Aklan; Jamindan, Capiz; Ormoc City; Intensity II – Gumaca, Quezon; City of Sipalay, Negros Occidental; Valderrama, Antique; Sipocot, Camarines Sur; Talibon, Bohol; San Francisco, Cebu; Intensity I – Malay, Aklan; City of Gingoog, Misamis Oriental.
Samantala, inaasahan naman ang posibleng aftershocks. NORMAN LAURIO/ PAUL ROLDAN
Comments are closed.